DAHIL nasa critical level na ang tubig sa Angat Dam, ipinatupad muli ng Maynilad ang pagrarasyon ng tubig sa mga lugar sa Maynila na apektado ng water interruption.
Kaugnay nito naglabas ng hinaing si Robin Padilla na isa sa libu-libong consumer ng tubig na apektado ng kakulangan.
Matatandaang nito lang Miyerkules, naglabas ng anunsiyo ang Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water na magpapatupad muli sila ng water interruptions dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig sa Angat Dam.
Sa inilabas na schedule, inaasahang tatagal ng walo hanggang 15 oras ang water interruption sa mga lugar sa Metro Manila, pati na rin sa ilang lugar sa Cavite.
Sa mahabang post ng action star sa Instagram nitong June 19, Miyerkules, binatikos ni Robin ang mga opisyal ng gobyerno dahil sa kabiguan ng mga itong maibigay ang mga basic services, gaya ng tubig, sa mga Pilipino.
Nagreklamo rin si Robin dahil sa kabila ng pagbabayad ng mataas na buwis, hindi raw maayos ang pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mga taxpayer.
Kinatigan naman siya ng asawang si Mariel Rodriguez at ng host na si Bianca Gonzalez.
Banat ni Robin sa mga pulitiko, bago nila talakayin ang ibang problema gaya ng “geopolitics,” asikasuhin muna nila ang pagbibigay ng basic services sa mga mamamayan.
Ang parunggit ng aktor ay may kinalaman sa nangyayaring diskusyon sa pagbangga ng Chinese vessel sa Philippine boat sakay ang 22 mangingisda noong June 9.
Patutsada ni Robin, “kayo lang ang magiginhawa ang buhay! Kami ang taas ng mga tax naming binabayaran, ni tubig sa gripo wala kami! Mahiya naman kayo!
“Kung makapaghamon kayo sa China akala mo ang ginhawa ng buhay ng mga Pilipino. Ayusin ninyo muna ang domestic threat sa Mainland Philippines bago kayo magpakamatalino at sumigaw ng foreign threat!”
Sabi pa ng aktor, “Ang pagtuunan ninyo ng pansin at mga talino ninyo ay ang kurapsyon sa gobyerno at political gangsters.
“Parang sa isang bahay lang ‘yan. Ayusin ninyo ang pangangailangan ng kusina natin bago kayo maghanap ng away sa kalsada. Para kayong mga istambay, ang tatapang sa kanto pero pagdating sa sariling tahanan wala naman maitulong kundi reklamo at paanda.
“Anak ng matsing. Gumawa naman kayo ng nararamdaman namin ang ginhawa.
“Please deliver public service not politicking, ang layo pa ng eleksyon kakatapos lang ng kampanya nand’yan pa rin kayo!”
Hinamon din ni Robin ang mga pulitikong nagre-react sa isyu ng Chinese vessel at 22 Filipino fishermen na ibenta ang kanilang mga ari-arian at tulungan ang mga mangingisda.
Hinamon din niya ang mga ito na mauna na silang lumusob sa China.
Pagtatapos ng aktor sa kanyang post: “Please we need water on our faucets! NOW!”
Himutok naman ni Mariel Rodriguez, ang laki ng binabayaran niyang buwis pero hindi pa rin nasosolusyunan ang problema sa tubig.
Anang It’s Showtime host, “Ang sakit sa loob na akala ko mayaman na ako tapos dumating ‘yung bayaran ng tax tapos nagbayad ako ng tax na para sa akin ay MALAKI tapos walang tubig sa bahay, tapos may tax ulit na june 20 and June 28 na due ano ‘yun?
“’Di pa ako nakaka-recover du’n sa malaki ko na binayaran, meron na ulit? Tapos wala tayong tubig?!”
Sumang-ayon ang ABS-CBN host na si Bianca Manalo sa “hassle” na dulot ng water interruptions at mataas na buwis.
Muli ring nagkomento si Robin at sinabing naaawa siya sa kanyang asawa na naglalaba sa garahe at nag-iigib ng tubig, lalo na dahil buntis si Mariel sa ikalawa nilang anak.
-Ador V. Saluta