SA halip na kaaya-ayang paggising, mistulang bangungot ang gumulantang sa akin dahil sa nagdudumilat na ulo ng balita: Water Interruption at Rotating Brownout. Nangangahulugan na dadanas tayo ng manaka-nakang pagkasaid ng tubig sa ating mga gripo at kadiliman sa tahanan at sa komunidad. Ang mga kalbaryo bang ito na paulit-ulit na ipinapapasan sa atin ay totoong likha ng kalikasan o sinasadya ng mga awtoridad na kapos sa kakayahan sa paglutas ng nabanggit na mga pahirap sa sambayanan?
Totoo na dahil sa pananatili pa ng El Niño at sa kabila ng pahayag ng Pagasa na nagsimula na ang tag-ulan, halos masaid na ang Angat Dam. Ito ang pinanggagalingan ng tubig na ginagamit ng water consumers sa Metro Manila at mga karatig na bayan. Dahil dito, tulad ng paulit-ulit na pahayag ng MWSS -- sa pamamagitan ng Water Resource Board -- hindi maiiwasan ang pagkawala ng tubig o water interruption sa milyun- milyong consumers ng Manila Water at Maynilad.
Pati ang ating mga kapatid na magsasaka sa Central Luzon ay hindi nakaligtas sa naturang krisis sa tubig. Hanggang ngayon, ang pamunuan ng Angat Dam ay hindi pa makapagpapadaloy ng tubig sa mga bukirin. Kung mananatiling nasa kritikal na situwasyon ang naturang imbakan ng tubig, hindi malayo na dumanas tayo ng tag-tuyot o pagbagsak ng aning palay. Nagsisimula na ang sakahan o pagbungkal ng bukirin na natitiyak kong maghahatid ng pangamba sa gobyerno na laging naghahangad ng sapat na produksiyon.
Dahil naman sa masyadong manipis na power supply, tulad ng pahayag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), hindi rin maiiwasan ang napipintong rotating brownout sa Metro Manila at mga kanugnog na lalawigan. Natitiyak ko na ang ganitong situwasyon ay ibayo ring kalbaryo na papasanin ng ating mga kababayan, lalo na kung iisipin ang halos sunud-sunod na pagtaas ng singil ng Meralco. Hindi ko matiyak kung nalutas na ang isyu hinggil sa pagsasauli o refund sa sinasabing sobrang naibayad ng mga power consumers.
Hindi biro ang problema sa kawalan ng tubig. Hindi bale na tayo ay hindi makapaligo, huwag lamang masaid sa tubig ang ating lalamunan na maaring maging dahilan ng ating pagkakasakit. Kaya pa nating pagtiisan ang kawalan ng koryente, bagamat kailangan natin ang mga bentilador dahil sa hindi halos mapaglabanang heat index o mataas na temperatura.
Ang ating pagpasan sa gayong kalbaryo -- idagdag pa rito ang nakapanggagalaiting buhul-buhol na trapiko -- na maaring kagagawan ng tao at ng kalikasan, ay gagaan lamang sa pamamagitan ng Kanyang mapagpalang mga kamay.
-Celo Lagmay