Iminungkahi ng China na magkaroon ng joint investigation kaugnay ng pagkakalubog ng isang fishing boat ng mga Pinoy matapos na banggain ng isang Chinese vessel sa Reed Bank, kamakailan.
Inilabas ni Chinese Foreign Ministry spokesman Lu Kang ang proposal bilang tugon sa mga tanong sa kanya sa isinagawang press conference sa Beijing.
Kapag naisagawa aniya ito, maaari nang magpalitan ng kani-kanilang initial investigation ang dalawang bansa at upang matalakay ito sa pamamagitan ng maayos na konsultasyon.
Ang nilalaman ng inilabas na pahayag ni Lu ay ipinadala ng Chinese Embassy sa Maynila sa pahayagang ito.
“To find a proper solution, we suggest a joint investigation at an early date so the two sides can exchange respective initial findings and properly handle the matter through friendly consultations based on mutually-recognized investigation results,” ayon sa bahagi ng pahayag ni Lu.
Nangako rin ang China na ipagpapatuloy nila ang pagsisiyasat sa usapin at makipag-ugnayan din sa Pilipinas sa pamamagitan ng bilateral channels.
Matatandaang binangga ng barko ng China ang bangkang pangisda ng 22 mangingisdang Pinoy habang sila ay naka-angkla sa nasabing laot na nagresulta sa pagkakalubog nito, nitong Hunyo 9 ng gabi.
-Roy Mabasa