EKSAKTONG 30 taon, naglakas-loob akong dalhin sa Liwayway ang maikling kuwentong sinulat ko.Marso 1989 ako grumadweyt ng Literature sa Ateneo de Naga, June 20, umagang-umaga, naglalakad ako sa EDSA, pagitan ng Pasay Road at Pasong Tamo, papuntang langit ng mga Pilipinong manunulat.
Palibhasa promdi, at proud na natatawag ng mga kaibigan na bibliophile, National Bookstores lang ang alam kong landmarks sa Manila. Sumaglit ako sa NSB Glorietta (Quad pa noon) para tingnan sa mga mapang (wala pang Google Map) ibinibenta ang location ng Liwayway Publishing, Inc. -- na bagamat nasa Pasong Tamo ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Manila Bulletin. Siyempre maliit o malapit lang tingnan sa papel, pero malayo sa totoo.Kaya ang sabi ng Metro Aide na napagtanungan nang madaanan kong naglilinis sa bangketa ng EDSA, “Dapat sumakay kayo, amang, malayu-layo pa. Pero do’n lang naman na sa dulo, kumanan ka, tatlong building mula kanto, Liwayway na.”
Hindi niya alam, sa bundok na sinilangan at nilakhan ko, kaya naming lumakad ng kahit sampung kilometro.
Nang araw na iyon, galing akong Bagong Ilog, Pasig (pero sumakay naman hanggang Makati). Nakitira ako sa apartment ng kapatid ng nanay ko nang sumalta ako ng Maynila. Gulat na gulat at natawa ang tito ko na may dala-dala akong kalahating sakong bigas. Ganoon ang tatay ko, kung makikitira ka, magdala ng kahit ano. Ang gusto pa nga, isang sako ang dalhin ko pero ‘di ko naman kaya, patpatin ako noon.
Sa naturang apartment ko sinulat magdamag ang maikling kuwento, sa makinilya ng kapit-apartment na narinig kong tumatakatak. Hiniram namin, at hindi nagdamot.Kinaumagahan, bitbit ko ang manuskrito ng maikling kuwento, regalo sa sarili, dahil birthday ko. Regalo rin sa sarili ang personal na pagbisita sa Liwayway building.
Sa probinsiyanong buong buhay na nagbabasa lamang ng mga akda ng mahuhusay na manunulat at nangangarap ding maging writer, langit ang Liwayway.
Kaya, sa katunayan, bagamat ultimate dream kong sa Liwayway magkaroon ng trabaho, hindi ko pinangahasang mag-aplay. Alam kong imposible. Kaya sa research team na affiliated sa Malacañang ako nagbigay ng application form, rekomendasyon ng dating schoolmate sa Ateneo na nagsabing puwede akong sumali sa kanila.Ang sinulat kong maikling kuwento, pangtanggal-bagot habang naghihintay ng tawag.
Eksaktong 22-anyos, nakarating ako sa langit ng panitikang Pilipino, at bagamat ipinaiwan lang ang manuscript ko, masuyong pinatuloy at sinabihang bumalik pagkaraan ng isang linggo.
Ang wika ni Ka Rody Salandanan, editor-in-chief ng magasin, pagbalik ko: “Nabasa ko na ang maikling kuwento mo, maganda, nagustuhan ko. May trabaho ka na ba?”
Tatlumpung taon na ang nakararaan, ibinukas ng Liwayway sa akin ang langit. Ang iniregalo ko sa sarili nang araw na iyon ay tinatamasa ko hanggang ngayon.
Narating ang mga lugar na hindi ko inakalang mapupuntahan ko at nakilala’t naging kaibigan ang napakaraming kilalang tao sa loob at labas ng showbiz dahil sa Liwayway.Pinangarap ko lang mabasa ang byline ko sa magasin, pero hindi pala ganoon kasimple ang lahat. Inilipat ako ng kompanya sa Balita at tumagal nang halos tatlong dekada sa pagiging editor.Noong naroroon ako sa bukid, pinangarap kong maging writer. Pero nang matupad na, ang pinangarap ko naman ay bumalik sa pagtatanim.Walang anumang tanung-tanong, muling tinupad ng kompanyang pinagkakautangan ko ng buong professional life
-DINDO M. BALARES