HABANG tayo ay nakatutok sa masalimuot na isyu hinggil sa sinasabing pagpapalubog ng Chinese vessel sa fishing boat ng ating kababayang mangingisda sa Reed Bank – ang kontrobersiyal na insidente na ngayon ay tila nababahiran ng politika – hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang paulit-ulit na mensahe ng Phivolcs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) tungkol naman sa pinaigting na babala sa pinangangambahan nating ‘The Big One’ (TBO).
Totoo na ang naturang babala ay laging binibigyang-diin ng Phivolcs upang matiyak ang ating kaligtasan hindi lamang sa matinding lindol kundi maging sa iba pang mga kalamidad na gumugulantang sa bansa. Hindi lamang ito tungkol sa nakagawian nating ‘duck, cover and hold’ na kailangang isagawa kaagad tuwing lumilindol.
Marapat na pag-ukulan natin ng pansin ang iba pang instruksiyon ng Phivolcs at iba pang ahensiya na may kinalaman sa klima at kalagayan ng panahon. Lagi nating itanim sa isip, halimbawa, ang mga fault line na tinukoy ng naturang tanggapan na posibleng bagtasin ng malakas na pagyanig, tulad nga ng TBO. Ang lindol, tulad ng bagyo, baha, tsunami, sunog at iba pang kapahamakan ay dumarating na tulad ng magnanakaw sa gabi, wika nga.
Walang kamalay-malay ang sinuman, halimbawa, nang pabagsakin ng malakas na lindol ang isang gusali sa Sta. Cruz, Maynila maraming dekada na ang nakalilipas. Halos 400 katao ang hindi nakaligtas sa naturang trahedya. Hindi ko rin malilimutan ang gusali ng pinaglilingkuran kong Manila Times nang ito ay mistulang inuugoy ng malakas na lindol, maraming taon na rin ang nakalilipas. At nakakintal pa rin sa aking utak ang pagbagsak ng Hyatt Hotel sa Baguio City at ang gusali ng isang unibersidad sa aming lalawigan sa Nueva Ecija na ikinamatay ng marami at nagdulot ng pinsala sa mga ari-arian.
Natitiyak ko na maraming kababayan natin ang laging nagpapahalaga sa mga babala ng Phivolcs upang matiyak ang ating kaligtasan; mga babala na ibinatay sa agham at iba pang scientific studies.
Mawalang-galang na sa pamunuan ng Phivolcs at iba pang weather agencies, higit na matindi ang aking pagpapahalaga sa tinatawag na divine intervention o banal na pagkilos ng Maykapal sa maaari nating sapitin kapag dumarating ang pinangangambahang mga kalamidad at trahedya. Hindi na kailangang isa-isahin, subalit maraming pagkakataon na napatunayan ko ang hiwaga o milagro ng banal na aksiyon o divine intervention sa dinanas kong mga karamdaman at kapahamakan.
-Celo Lagmay