WALANG tigil sa pagsagwan ng medalya ang Go For Gold-Philippine Dragonboat Team.
Isang linggo matapos humirit ng dalawang gintong medalya sa Singapore, ratsada ang Go For Gold Philippine paddlers sa prestihiyosong 2019 Beijing International Dragonboat Tournament sa China.
Laban sa matitikas na under-23 koponan, nakamit ng Nationals mula sa Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation , ang gintong medalya sa 500m at 250m small boat open category.
Naitala ng Nationals ang dalawang minuto at 30.85 segundo sa 500m laban sa Chinese squads Dubula (2:39.88) at Beijing Fuxing Dragon Warriors (2:41.12). Nauna nilang nakamit ang tagumpay sa 200m (1:10.56).
Impresibo ang Go For Gold-backed paddlers sa naunang torneo na DBS Marina Regatta sa Singapore.
Pinangunahan ang koponan ni assistant team captain Ojay Fuentes, nagdiwang ng kanyang ika-20 kaarawan nitong Huwebes, sa suporta nina Archie Baylosis, Kim Gabriel Baylosis, Daniel Ortega at Roberto Pantaleon.
Kasama rin ang mga beteranong sina Norwell Cajes, Leo Jane Remarim, Jonathan Ruz, John Paul Selencio, Jerome Solis, drummer John James Pelagio at helmsman Christian Burgos.
“Resulta po ito ng lahat ng pagpupusige namin sa training. Gagawin po namin lahat para magtuloy-tuloy ito hanggang sa SEA Games,” pahayag ni Fuentes.
Kahanga-hanga ang national paddlers mula sa lihitimong sports body na PCKDF sa Singapore sa tyempong 1:00.76 para makopo ang gintong medalya sa 10-seater premier women’s division 200m para masundan ang panalo sa 20-seater mixed category.
“These victories will definitely help boost the confidence of our team going into the SEA Games,” pahayag ni Go For Gold godfather Jeremy Go.
Bukod sa dragonboat, itinataguyod din ng Go For Gold ang SEAG-bound national athletes mula sa skateboarding, wrestling, sepak takraw, cycling, triathlon at chess.