Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

4:30 n.h. -- TNT vs Meralco

6:45 n.h. -- Alaska vs Phoenix

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ika-4 na sunod na tagumpay na magpapatatag ng kanilang pangingibabaw ang tatangkaing masungkit ng TNT sa pagsabak sa unang laro ngayong hapon ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.

Hawak ang barahang 5-1, kasalo ang Northport at Blackwater na nakatakdang lumaro kahapon kontra San Miguel habang isinasara ang pahinang ito, sasagupain ng Katropa ang Meralco sa pambungad na laro ganap na 4:30 ng hapon.

Huli nilang ginapi para sa ikatlong dikit nilang panalo ang defending champion Ginebra, 104-96, nitong Miyerkules sa pamumuno ng kanilang impresibong import na si Terrence Jones.

Sa kabilang dako, magkukahog namang makabalik ang katunggali nilang Meralco Bolts sa win column kasunod ng natamong 89-93 kabiguan sa kamay ng Aces noong nakaraang Linggo sa pagkakataong ito sa pamumuno ng bagong import na si Jimmie Taylor.

Naglaro sa Sioix Falls Skyforce, Greece at kamakailan sa Poland, ang 23 anyos na si Taylor ang kinuhang kapalit ng na injured nilang import na si Gani Lawal.

Sa tampok na laro, haharapin ng pumapaimbulog na Alaska Milk ang Phoenix Pulse na muling gagabayan ng kanilang coach na si Louie Alas na magbabalik mula sa dalawang larong suspensiyon.

Tatangkain ng Aces na madugtungan ang naitalang tatlong dikit na tagumpay habang magkukumahog naman ang Fuel Masters na makabangon sa natamong dalawang dikit ng kabiguan dulot ng naging problema nilang emosyonal mula sa resulta ng naging gulo sa nakaraang laban nila ng TNT kung saan nasuspinde sina Alas at forward Calvin Abueva.

Huling natalo ang Fuel Masters noong Linggo sa kamay ng Rain or Shine Elasto Painters (89-82).

Naniniwala naman si Alaska coach Alex Compton na kailangan pa rin nilang paghandaan ang Fuel Masters dahil mas delikado itong kalaban ngayong bumalik na si Alas na inilarawan niyang isang “great motivator and tactician”.

-Marivic Awitan