HALOS kasabay ng paggunita natin sa Araw ng Kasarinlan, lumutang naman ang mga ulat hinggil sa mga pagsisikap upang ipaglaban ang kalayaan sa karukhaan na inilunsad ng iba’t ibang sekta ng relihiyon. Ang katatapos na selebrasyon ng Independence Day ay dumadakila sa ating mga bayani na namuhunan ng dugo at buhay sa pagtatanggol ng ating pagsasarili laban sa pananakop ng mga dayuhan; samantalang ang mga kilusan upang maipagtagumpay ang kalayaan sa karalitaan ay naglalayon namang hanguin ang ating mga kababayan na hanggang ngayon ay nakalugmok sa kahirapan.
Ang Iglesia Ni Cristo (INC), halimbawa, ay nagbunsod kamakailan ng global campaign laban sa karalitaan sa iba’t ibang siyudad sa Canada. Tulad ng isinasaad sa ulat, inihayag ni INC Executive Minister Eduardo V. Manalo na ang naturang kampanya ay higit na malawak kaysa sa Aid to Humanity na inilunsad sa North America noong nakaraang taon. Sinasabing ito ay bahagi ng worldwide ‘Lingap’ program ng Felix Manalo Foundation na nagkakaloob ng tulong sa mga dukha at marginalized group o yaong tinatawag na mga nasa laylayan ng mga komunidad sa iba’t ibang lungsod sa Canada na kinabibilangan ng Montreal, Winnipeg, Ottawa at iba pa.
Sa aking pagkakatanda, ang naturang sekta ay naglunsad na rin ng kahawig na kampanya laban sa kahirapan na dinaluhan ng libu-libong kasapi ng INC sa Metro Manila. Gusto kong maniwala na ang naturang pagsisikap ay naglalayong gisingin ang kamalayan ng sambayanan tungkol sa kahalagahan ng pagdamay sa mga maralita.
At gusto ko ring maniwala na ang naturang anti-poverty campaign ay bahagi rin ng mga adhikain ng iba pang religious groups na nagmamalasakit sa mga dukha nating kababayan. Ang Catholic Church, halimbawa, ay mayroon ding Caritas Manila na lumilingap at nagmamalasakit sa mga nangangailangan. Sa aking pagkakaalam, ito ay pinamamahalaan ng ating kapuwa kolumnista sa pahayagang ito, si Rev. Fr. Anton Pascual.
Sa kanyang pitak na may titulong ‘Caritas’, malimit bigyang-diin ng ating kapatid na alagad ng simbahan ang pagdamay sa mga kapus-palad sa buong kapuluan, lalo na sa mga kabataang ulila at kabilang sa mga out-of-school youth.
Natitiyak ko na ang nabanggit na makatao at makabuluhang misyon ng nabanggit na mga rekta ng pananampalataya ay isinasagawa rin ng iba pang religious groups. Sila ay may matayog ding pagpapahalaga sa pagsugpo ng kahirapan na gumigiyagis sa maralitang sektor ng ating lipunan.
Ang ganitong mga pagsisikap ay maituturing na banal, makabuluhan at makataong misyon, lalo na kung ito ay hindi mababahiran ng kamandag ng pulitika at ng iba’t ibang anyo ng ideolohiya.
-Celo Lagmay