MAKAPASOK sa top 10 ang target ng Philippine Blu Boys sa gagawin nilang pagsabak sa World Men’s Softball Championships sa Prague sa Czech Republic mula ngayong araw hanggang Hunyo 23.

Ang Blu Boys na nagbabalik sa prestihiyosong world championship makalipas ang 15 taon ay umaasang makakapasok sila sa top 10 ng torneo na gaganapin sa unang pagkakataon sa Europa.

“Tingin ko naman makakaya naming makapasok sa top 10.Kasi talagang pinaghandaan namin ito ng husto mula noong mag qualify kami,” pahayag ni Blu Boys coach Eufracio de la Cruz.

May kabuuang 16 na mga koponan sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig ang maglalaban sa kampeonato at hinati sa dalawang grupo.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ang world 17th ranked Blu Boys ay kabilang sa Group A kung saan kabilang din world no.1 New Zealand, world no.3 Japan, 5th ranked Argentina, 7th ranked at host Czech Republic, 9th ranked Mexico, 13th ranked Bostwana at world 24th Cuba.

Unang makakalaban ng Blu Boys ang Botswana ngayong araw na ito, susunod ang Argentina bukas , Japan sa Hunyo 17 at Czech Republic sa Hunyo 18.

Magkakasama naman sa Group B ang world No. 2 Canada, Australia (4), USA (6), Venezuela (8), Denmark (11), South Africa (12), Netherlands (19) at Singapore (22).

Ang top 4 teams sa bawat grupo ay uusad sa playoffs.

-Marivic Awitan