MALIGAYANG Araw ng Kalayaan sa sambayanang Pilipino! Sa ating paggunita sa ika-isandaan at dalawampu’t isang taon ng ating kasarinlan, tandaan natin na ang kalayaan ay dapat na inaaruga at ipinaglalaban sa bawat araw, ng bawat isa sa atin.
oOo
Hindi kailanman napipirme ang kasaysayan. Ang mga nababasa natin sa ating mga libro ng kasaysayan ay hindi inukit sa bato. Ang pagkakatuklas ng mga bagong dokumento at artifacts, gayundin ang paghihimay ng mga dati nang teksto ay nagbibigay sa atin ng bagong pananaw sa pag-unawa sa ating kasaysayan. Nakatutulong ang mga ito sa atin upang maliwanagan tayo sa kasaysayan at ang kabuluhan nito sa kasalukuyan nating pamumuhay.
Ang pinakabagong halimbawa ay ang telegramang ipinadala ni Pangulong Emilio Aguinaldo kay Heneral Antonio Luna noong 1899, na nag-uutos ditong magtungo sa Cabanatuan para sa isang pulong. Ang nasabing telegrama, na nadiskubre mula sa imbakan ng mga gamit ng pamilya ng anak ni Luna, ay isinubasta noong Disyembre ng nakalipas na taon, at nabenta sa halagang P3.7 milyon. Subalit hindi matatawaran ang halaga nito sa paraang binigyang-linaw nito ang kontrobersiyal na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.
Nagkataon namang noong nakaraang linggo lang ginunita ang anibersaryo ng kamatayan ni Heneral Antonio Luna. Isandaan at dalawampung taon na ang nakalipas nang ang matapang, makabayan, at ayon sa lahat ng paglalarawan ay mainitin ang ulo na bayani, ay naglakbay patungo sa sarili niyang nakapanghihilakbot na kamatayan.
Malaking pasasalamat sa sikat na pelikulang “Heneral Luna”, ang pagkamatay ng Pilipinong martir na ito ay naging isa sa pinakamisteryoso at nakaiintrigang aspekto ng kasaysayan ng Pilipinas. Nasiyahan akong panoorin ang nasabing pelikula, na kamakailan lang ay nadagdag na rin sa mga pelikulang Pinoy na napapanood sa Netflix. Ang kapangyarihan ng pelikula ay nakatuon sa kakayahan nitong isalaysay ang isang nakaiinip na kabanata ng kasaysayan sa paraang nakapupukaw ng interes, hindi lang para sa karangalan ng ating bansa, kundi para sa mamamayan na nakipaglaban para sa dignidad at kalayaan nito. Ito ang mas mainam na paraan ng pagkukuwento ng kasaysayan sa ating mga anak.
Si Luna, gaya ng marami sa kanyang mga kasabayan, ay nag-alay ng kanyang buhay upang matiyak lamang ang kasarinlan ng ating bayan. Sa Spain, sumali siya sa Propaganda Movement at nagpursige para sa pantay na pagtrato sa mga Pilipino at mga Espanyol. Kaya naman hindi na nakagugulat na nang bumalik siya sa Pilipinas, kaagad siyang dinakip at pinabalik sa Spain. Nang makalaya, pinag-aralan niya ang mga taktika at estratehiyang militar, sa gabay ni General Gerard Mathieu Leman ng Belgium.
Noong panahon ng rebolusyon sa Pilipinas, nagsilbi siyang Chief of War Operations at binigyan ni Pangulong Aguinaldo ng ranggong brigadier general. Kalaunan, itinalaga siyang commanding general ng Philippine Army.
Kilala si Heneral Luna sa pagkakaroon ng maiksing pasensiya at sa matabil niyang dila. Minsan na niyang binawian ng armas at inaresto ang isang buong batalyon sa pagtangging sumunod sa kanyang utos. Nagkaroon sila ng mga pagtatalo ni Aguinaldo sa gagamiting taktika sa pakikipagdigma sa puwersang Espanyol. Marahas din niyang tinutulan ang plano nina Aguinaldo at Felipe Buencamino na bumuo ng kasunduan sa mga Amerikano. Tulad ni Mabini, determinado siyang makipaglaban para sa kalayaan. Ito ang kuwento sa popular na eksena sa pelikula, kung saan, sa kasagsagan ng pulong ng Gabinete, ay kinumpronta sila ni Luna sa mga isinusulong nilang kompromiso.
Para sa akin, malinaw para kay Luna ang kanyang tungkulin sa bansa, at gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maisakatuparan ang kanyang mga hangarin para sa bayan. Ang malakas niyang personalidad ay kapwa bentahe at kahinaan niya. Karamihan sa atin marahil ay may mataas na respeto sa ating mga bayani. May panahong idinadambana natin sila, at nakalilimutan nang sila, tulad natin, ay mga tao rin. Mayroon silang kani-kaniyang lakas at kahinaan. Hindi sila mga superheroes. Sila ay mga ordinaryong tao na buong tapang na tumugon sa mga hindi pangkaraniwang pangyayari.
Nasumpungan ni Luna ang kanyang kamatayan nang dumating siya sa Cabanatuan noong Hunyo 5, 1899 matapos niyang matanggap ang telegrama mula kay Aguinaldo na nais makipagkita sa kanya roon. Umalagwa ang galit ni Luna nang makita niya ang ilan sa mga tropa ng sundalo mula sa Kawit na dati na niyang inaresto, gayundin ang kaaway niyang si Buencamino. Batay sa kasaysayan, brutal na tinadtad ng saksak at pinagbabaril ng mga sundalong ito si Luna. Naniniwala naman ang ilang historians na binigyang-linaw ng telegrama ang mga misteryong bumabalot sa pamamaslang kay Luna.
Maraming nakaiintriga at kontrobersiyal na aspekto ng ating nakaraan ang patuloy na nagbibigay-interes sa atin. Ang mga tao at mga pangyayari na humubog sa kung ano tayo ngayon ay hindi mga simpleng detalye lang. Bahagi ito ng ating nagpapatuloy na kasaysayan.
-Manny Villar