HANGGANG ngayon, hindi ko pa maarok ang tunay na lohika sa implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang programa na sinasabing makapagpapatighaw sa pagkagutom ng ating maralitang mga kababayan. Ang naturang programa na naunang ipinatupad noong panahon ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo na itinuloy naman ng sumunod na mga administrasyon, ay pinaglaanan ng bilyun-bilyong pisong pondo upang lunasan ang matinding pagkagutom na gumigiyagis sa bansa.
Sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang isang pamilyang Pilipino ay pinaglaanan ng buwanang P500 para sa kanilang ikabubuhay; bukod pa rito ang P300 para naman sa pag-aaral at iba pang pangangailangan ng kanilang mga anak. Walang alinlangan na ang naturang halaga ay nakatutulong nang malaki sa nasabing mahihirap nating mga kababayan. Subalit hindi ba ang gayong sistema – ang pagbibigay ng dole-outs o mistulang panlilimos – ay isa ring dahilan upang sila ay mahirating umaasa na lamang sa gobyerno para sa kanilang mga pangangailangan? Na iyon ay isang sistema upang sila ay tamarin sa paghahanap ng trabaho o mapapasukan? Naniniwala ako na hindi maiibsan ang problema sa pagkagutom o karukhaan sa pamamagitan ng naturang mga dole-outs – kahit na ang maralita nating mga kababayan ay limusan natin araw-araw.
Tulad ng lagi nating isinisigaw, marapat na bumalangkas ang pamahalaan ng mga proyekto na makapagbibigay ng hanapbuhay sa ating nagdurusang mga kapatid. Ibig sabihin, ang kasalukuyang 4Ps ay dapat susugan upang maging 5Ps (Pinalawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Sa gayon, ang katakut-takot na pondo na inilaan sa naturang mga programa ay maiuukol sa pagpapatayo ng iba’t ibang livelihood project na tulad, halimbawa, ng collage industry, piggery, poultry raising, at iba pang maliliit subalit makabuluhang pagkakakitaan.
Kailangang tiyakin na ang kasalukuyang mga dole-outs o mistulang palimos ay mailaan sa mga kababayan nating dapat makinabang; hindi ito dapat mabahiran ng mga alingasngas na tulad ng pagbibigay ng pabor sa hindi tunay na mga benepisyaryo ng 4Ps at ng iminungkahi nating 5Ps. Sa gayon, matuturan natin sila na umasa sa sariling kakayahan at pagsisikap para sa kanilang ikabubuhay. Sabi nga ng isang kawikaan, bagama’t nakakukulili na sa pandinig: Sa halip na bigyan natin sila ng isda, turuan natin silang mangisda.
-Celo Lagmay