SA halos walang patlang na pakikipaglaban ng ating mga alagad ng batas sa mga sugapa sa illegal drugs, minsan pang lumutang ang panawagan ng iba’t ibang sektor hinggil sa paglulunsad ng sapilitang drug test. Ibig sabihin, ang naturang mandatory drug test ay isasagawa hindi lamang sa mga tanggapan ng pamahalaan kundi maging sa mga pribadong opisina upang matiyak na ang naturang mga lugar ay hindi pinamumugaran ng mga adik na nahihirati sa paghahasik ng mga karahasan.
Maliban kung taliwas sa umiiral na mga batas, tulad ng paglabag sa karapatang pantao, na laging isinisigaw ng mga human rights advocates, naniniwala ako na ang nasabing panawagan ay isang positibong hakbang upang masugpo ang kasumpa-sumpang bisyo. Hindi ko na matiyak kung ang iba’t ibang religious groups ay nakikiisa rin sa gayong paraan ng paglipol ng mga bawal na droga. Hindi ba laging ipinagdidiinan ng naturang mga grupo na ang kampanya laban sa droga ay hindi dapat mabahiran ng walang pakundangang pag-utas ng buhay o extra judicial killings (EJK)?
Sa panig ng ating mga alagad ng batas, lagi nilang iminamatuwid na ang gayong malagim na mga eksena ay nagaganap kapag ang tinutugis nilang mga users, pushers at mga drug lords ay naglalaban; na marapat naman nilang ipagtanggol ang kanilang sarili sa posibleng kamatayan.
Sa harap ng gayong nakadidismayang situwasyon, lalong kailangan ang pagsusulong ng mandatory drug test. Kahit na sa mismong hanay ng mga pulis, militar at iba pang security agencies, gusto kong maniwala na may mga natutukso sa mga illegal drugs. Hindi ba may tinatawag na mga ninja corps—yaong mga pulis na sinasabing nagbebenta ng droga na nakukumpiska nila sa dinadakip nilang mga sugapa? Hindi malayo na maging sa iba pang tanggapan ng gobyerno, may mga naliligaw ring pushers at kasabwat ng mga utak sa pagpapalaganap ng mga bawal na gamot.
Sa Bureau of Customs (BoC), halimbawa, maaaring may mangilan-ngilan ding kababayan natin ang bahagi pa rin ng lulong sa kasumpa-sunpang bisyo. Maaaring hindi sila humihithit ng kamandag ng shabu, subalit gusto kong maniwala na ang ilan sa kanila ay kakuntsaba ng mga drug smugglers na nagpapasok sa bansa ng bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu. Paanong makalulusot sa naturang tanggapan ang kontrobersyal na mga kontrabando kung walang bendisyon, wika nga, ng kinauukulang pinuno?
Sa bahaging ito, may lohika ang muling pagsusulong sa Kamara ng isang panukalang batas na magtatadhana ng mandatory drug test—bukod pa sa mga kahilingan na isinisigaw ng sambayanan. Marapat na paigtingin ang ganitong pagsisikap sapagkat ang illegal drugs ay isang matinding balakid sa matinong pamamahala tungo sa paglikha ng isang malinis na gobyerno—higit sa lahat, ng isang drug-free Philippines na ipinangangalandakan ng Duterte administration.
-Celo Lagmay