ISANG menor de edad na domestic helper sa Saudi Arabia ang gagampanan ni Kyline Alcantara sa Tadhana episode ngayong Sabado.
Labing-anim na taon gulang pa lang si Aileen (Kyline). Ulila sa ina at napabayaan ng lasenggong ama, siya na ang tumayong magulang sa kanyang apat na nakababatang kapatid. Sa pamamagitan ng paglalaba at pagkakasambahay, sinubukan niyang itaguyod ang kanilang pamumuhay.
Ngunit sa hirap ng buhay ay hindi naging sapat ang kanyang araw-araw na kita para sa kanila. Kaya naman kahit masakit sa kanyang kalooban ay nagdesisyon si Aileen na ipakupkop ang kanyang mga kapatid at ilegal na magtrabaho bilang domestic helper sa ibang bansa.
Ginawang 21 years old ang edad ni Aileen at namasukan siyang kasambahay sa isang Arabong pamilya. Pagdating sa Saudi Arabia, pinagdudahan siya ng amo niyang Pinay na nilalandi ang asawa nito kaya pinagmalupitan siya nito.
Nakarating sa Philippine Embassy ang pagmamaltratong nararanasan ni Aileen at dito niya nalaman na nagsampa ng kaso ang dati niyang amo na maghahantong sa kanya sa kulungan.
Abangan ang kuwento ni Aileen, na gagampanan ni Kyline, kasama sina Sharmaine Suarez, Robert Ortega, at Anne Garcia, sa Tadhana presents “Menor de Edad” ngayong Sabado, 3:15 ng hapon, sa GMA