SA kabila ng pagkakakapatibay ng batas na nagtataas ng buwis sa alak at sigarilyo, lalong tumibay ang aking paniniwala na hindi mababawasan at lalong hindi ganap na matutuldukan ang pagkasugapa sa naturang mga bisyo. Manapa, natitiyak ko na ang dagdag sa tinatawag na sin taxes ay makapagpapalaki sa malilikom na buwis na maiuukol sa makabuluhang mga programa ng gobyerno, lalo na sa epektibong implementasyon ng katatapos pa lamang maisabatas na Universal Health Care Law (UHCL).
Itinatadhana ng naturang batas ang pagkakaloob ng mga ayudang pangkalusugan sa mga mamamayan, tulad ng libreng pagpapaospital, laboratory test, medisina at iba pa. Mapapansin sa probisyon ng batas na paglalaan ng pondo ang pagpapagamot ng mga nagkasakit dahil sa paninigarilyo at pag-inom ng alak. Masyadong malaki ang pondo na nauubos sa pagpapagaling ng naturang mga biktima. Nangangahulugan ba nang pagtibayin ng mga mambabatas ang sin tax hike, nasa likod ng kanilang utak, wika nga, natitiyak ba nila na talagang hindi mapipigilan ang pamamayagpag ng mga sugapa sa nasabing mga bisyo?
Marami nang mga pagtatangka ang pinausad ng halos lahat ng sektor ng sambayanan sa hangaring mabawasan kundi man lubos na masugpo ang paghitit ng tabako at pagtungga ng alak. Mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos ng nationwide smoking ban sa pamamagitan ng nilagdaan niyang batas – isang kautusan na nauna na niyang ipinatupad sa Davao City nang siya ay isa pang alkalde. Hindi ba katakut-takot pa rin ang lumalabag sa naturang batas at ang mga sugapa sa nasabing mga bisyo ay patagong namamayagpag?
Sa bahaging ito, lumutang ang kilusan upang ganap nang ipagbawal ang paggawa ng sigarilyo at alak. Ibig sabihin, mistulang ipagigiba ang mga pabrika ng naturang mga produkto. Danga nga lamang at ito ay hindi man lamang nakausad sa pangambang ganap na malumpo ang ating ekonomiya na bumubuhay sa bansa at sa mga mamamayan.
Iniutos din ang paglalagay ng larawan ng iba’t ibang sakit sa kaha ng mga sigarilyo, bilang bahagi ng pagpapatupad ng graphic health warning (GHW). Nakalarawan doon ang isang hukluban na mistulang agaw buhay na dahil sa nakakikilabot na Emphysema. Isa itong babala na hindi man lamang pinapansin ng mga sugapa sa paninigarilyo. Bigla kong naalala ang isa nating kapatid sa media na talaga namang hindi maawat-awat sa paghitit ng sigarilyo sa kabila ng kanyang pagiging isang octagenarian. Halos walang patlang ang kanyang paghitit at hawak pa sa isang kamay ang isang kaha ng sigarilyo na ginagawa niyang ashtray – na may larawan ng isang matanda na tila nakaburol na.
Ang mga eksenang ito ay patunay lamang na ang paninigarilyo, paglalasing at lalo na ang pagkagumon sa illegal drugs – kahit sabihin pang ito ay mistulang pagpapatiwakal – ay masusugpo lamang sa pamamagitan ng sariling pasiya at kagustuhan ng mismong mga sugapa.
-Celo Lagmay