GUGUNITAIN sa susunod na linggo ang ika-44 na taon ng pormal na diplomatikong ugnayan ng bansa sa China. Hunyo 9, 1975 nang lumagda ang Republika ng Pilipinas at ang People’s Republic of China sa Joint Communiqué na hudyat ng pormal na pagsisimula ng diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa sa ambassadorial level.
Sa kasalukuyan, ang ugnayang ito ay mistulang binuhay at binigyan ng panibagong sigla dahil sa pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na isulong ang malapit na ugnayan sa China sa kabila ng ating “special” na ugnayan sa Amerika at sa kinasasangkutan nating kontrobersiya sa pag-aangkin ng teritoryo sa South China Sea.
Hayaan n’yong ilahad ko ang isang mahalagang kaibahan ng dalawang panahong ito ng ating ugnayan sa China. Noong 1975, ang desisyon ni noon ay Pangulong Ferdinand Marcos na magkaroon ng ugnayang diplomatiko sa Komunistang China ay naiimpluwensiyahan ng pagbabago sa polisiya ng kaalyado nito, ang Amerika. Nangyari ito sa makasaysayang pagbisita noong 1972 ni US President Richard Nixon, na naging hudyat ng bagong simula sa noon ay nanlalamig na ugnayan ng dalawang bansa.
Kasabay nito, ang direksiyon ng polisiyang panlabas ni Pangulong Duterte pabor sa China ay mariing kinontra ng Amerika at ng iba pang bansa sa West. Sa katunayan, ang pagbabagong ito sa polisiyang panlabas ay masasabing pagtalikod sa tradisyunal nating kaalyado para magsimula ng mas malapit na ugnayan sa China at sa iba pang mga bansa, tulad ng Japan at Russia.
Ang pagkukumparang ito, para sa akin, ay isang malinaw na patunay ng nagsasariling polisiyang panlabas na isinusulong ng administrasyong Duterte. Ang isa pa ay ang desisyon ng Pangulo na ibalik sa Canada ang basura nito. Isa itong polisiya na nagpoproklama sa soberanya ng Pilipinas at nagbibigay-diin sa hinahangad nating pantay na pagtrato sa atin bilang kapwa bansa.
Ang kasaysayan ng ating ugnayan sa China, siyempre pa, ay noon pang sinaunang panahon, mas matagal pa sa pormal na ugnayang diplomatiko natin na pinagtibay noong 1975. Daan-daang taon na ang nakalipas nang papag-ugnayin ang Pilipinas at China ng kalakalan at paglalakbay. Bago pa dumating sa ating bansa ang mga Espanyol, Amerikano, at Hapon, nakikipagkalakalan na ang ating mga ninuno sa mga negosyanteng Chinese, habang naglakbay naman patungo rito sa atin ang mga katutubong Chinese.
Batay sa kasaysayan, noon pa mang ikasiyam na siglo ay nakikipagpalitan na ng mga kalakal at produkto ang mga negosyanteng Chinese sa mga katutubo sa ating mga isla, ang malaking bahagi nito ay sa Mindoro at sa Sultanate of Sulu. Isa pang patunay dito ay ang pagkakatatag sa Maynila ng kauna-unahang Chinatown sa mundo. Ang tinatawag natin ngayon na Binondo ay isang kilalang komunidad ng mga Chinese simula 1594.
Ang 44 na taon ng ating pormal na diplomatikong ugnayan sa China ay dumaan na sa ilang pagsubok at tagumpay. Nilagdaan ang mga kasunduan upang mapaigting ang ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng depensa, kalakalan at pamumuhunan, pagpapabuti ng mga imprastruktura, enerhiya, kriminalidad, turismo at kultura, palitan ng pamamahayag, siyensiya at teknolohiya, pagtutulungan ng mga siyudad, konsultasyong militar, at maging malapit na ugnayan ng ating mga mamamayan.
Subalit labis ding nakaapekto sa ugnayang Pilipinas-China ang agawan sa teritoryo. Ang mga alitang tulad nito ay pinalala ng geopolitical dynamics na labas na sa ating ugnayang bilateral. Subalit mahalaga ring bigyang-diin na napagtagumpayan ng ating pakikipagkaibigan sa China ang lahat ng ito. Sa kabila ng galit at mga kontrobersiya, nananatiling matatag ang ating ugnayan. Ito ay isang patunay sa mahusay na pamumuno nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Ang isinusulong ngayon na independent foreign policy ni Pangulong Duterte at ang polisiya ng China sa ilalim ni President Xi upang irespeto ang ating soberanya at pagkalooban tayo ng pantay na pagtrato ay nagbigay-daan sa matatag na ugnayan ng Pilipinas at China, na itinulad ni President Xi sa pagkakaroon ng “rainbow after the rain”.
Umaasa tayong ang pakikipagkaibigan sa pagitan ng Pilipinas at China ay patuloy na magiging matatag, at pagsaluhan sana natin ang mas marami pang taon ng pagsibol!
-Manny Villar