SA walang katapusang paglutang ng mistulang bangayan ng ilang senador kaugnay ng sinasabing pag-aagawan ng committee chairmanship, tumatalab ang matalim na mensahe ni Senate Minority Leader Drilon: Atupagin muna ang paghahanda at pag-aaral sa pagbalangkas ng mga panukalang-batas. Naniniwala ako na ito ay nakatuon hindi lamang sa mga bagitong senador kundi maging sa iba pa na maaaring kapus pa rin sa mga kaalaman sa makabuluhang mga aktibidad sa naturang kapulungan.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa humuhupa ang mga patutsadahan hindi lamang sa naturang pag-aagawan sa komite kundi maging sa planong pagbabago sa liderato sa Senado. May mga higing na nais pababain si Senador Vicente Sotto III bilang Pangulo ng Senado -- isang hakbang na lumalabag sa tinatawag na equity of the incumbent. Ibig sabihin, isa itong malaking pagkakait katarungan sa nanunungkulang Senate President; isa itong taliwas sa paninindigan ng nakararaming senador na nagluklok kay Sotto bilang lider ng mga miyembro na naniniwala sa kanyang kakayahan at katapatan.
Tila hindi maglulubay ang ilang senador, lalo na ang mga bagitong mambabatas na gawin ang lahat ng paraan upang isulong ang reorganisasyon at rigodon sa Senado. Gayunman, maliban kung may makapangyarihang kamay, wika nga, na kikilos, hindi ako naniniwala na magbabago ang liderato sa naturang kapulungan. Nais kong linawin na ang ganitong pananaw ay hindi nangangahulugan ng pagmaliit sa kakayahan ng lahat ng senador -- bagito man o datihan; naniniwala ako na sila ay may kakayahang mamuno sa kanilang grupo.
Ang ganitong sitwasyon ay hindi maikakailang nagaganap din sa Kamara; ang mga Kongresista ay tila nagsusulong ng mga pagbabago na nakaangkla sa mistulang pag-aagawan din sa pagiging Speaker ng Kamara. Nakalulungkot nga lamang at may mga haka-haka na talamak ang suhulan upang maagaw ang nasabing mataas na puwesto; sinasabing milyun-milyong piso ang iniuukol sa sinumang susuporta sa sinumang maghahangad maging House Speaker.
At may mga sapantaha rin na ang limpak-limpak na pondong pansuhol ay mula sa bulsa ng malalaking negosyante na may mga higanteng interes na pangangalagaan ng susuportahan nilang mga pulitiko. Nangangahulugan lamang na ang ganitong sistema ay nakukulapulan ng kasumpa-sumpang katiwalian.
Natitiyak ko na ang ganitong sitwasyon -- ang mistulang bangayan sa Senado at Kamara -- ay hindi magiging katanggap-tanggap sa sambayanan, lalo na nga sa administrasyon na ipinangangalandakan ang paglikha ng isang gobyernong malinis, matatag at matapat.
Kung hindi ito pag-uukulan ng pansin ng administrasyon, hindi kaya ito mangahulugan ng kamatayan ng tinatawag na super majority na katuwang ng administrasyon sa pagsusulong ng makatuturang mga programa, at maging dahilan naman ng pamamayagpag ng super minority na maaring maging matinding balakid sa mga reporma sa pamahalaan?
-Celo Lagmay