Mahigpit na binabantayan ngayon ng militar ang anim na guerilla front ng New People’s Army (NPA) sa Cordillera region, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ang inihayag ni Northern Luzon Command chief, Lt. Gen. Emmanuel Salamat at sinabing kabilang sa sinusubaybayan nilang Kilusang Larangang Guerilla (KLG) ang Leonardo Pacsi Command sa Ifugao, Baggas Command sa Kalinga, Marco Command sa Mt. Province, AMPIS Command sa Abra at dalawa pa sa Apayao at Benguet.
Ayon sa opisyal, puntirya nilang malipol ang mga nasabing guerilla front na may operasyon sa rehiyon sa pamamagitan ng inilunsad nilang Joint Campaign Plan Kapanatagan 2019-2022.
Tututukan ng kampanya ang pagpapapatibay ng inter-operability ng mga pulis at sundalo para sa paglilinis ng rehiyon mula sa mga rebelde.
Umaasa sila na mapapalakas ang kanilang opensa laban sa anumang karahasan ng mga rebelde.
Tiniyak ni Salamat na gagawin nila ang lahat para masolusyonan ang local armed conflict sa rehiyon sa pamamagitan ng tapat na pakikipagtulungan nila sa mga lokal na pamahalaan.
Hinihiling din nito ang suporta ng mga taga-Cordille sa anumang hakbang ng militar, pulisya at national government para matuldukan na ang problema sa mga rebelde sa lugar.
-Fer Taboy