PASUKAN na naman. Tinatayang may 28 milyong mag-aaral ang papasok sa klase ngayong araw na ito, Lunes. Sila ay dudukal ng karunungan na magiging puhunan at kalasag sa hinaharap. Sana ay magkaroon sila ng sapat na gamit sa pag-aaral, sapat na silid-aralan, sapat na mga guro, at hindi mag-aaral sumulat at gumawa ng leksiyon sa ilalim ng punongkahoy.
Maraming isinama sa Japan si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), kabilang ang 20 cabinet secretaries, na kung paniniwalaan si Ambassador to Japan Jose Laurel IV, ay “pabuya” dahil umano sa panalo ng mga kandidato sa pagka-senador ng Pangulo. Isipin ninyong nanalo sina Bong Go at Bato dela Rosa, na noong una ay nasa laylayan ng Magic 12 batay sa SWS at Pulse Asia surveys.
Bukod sa mga miyembro ng gabinete, nagsama rin si PRRD ng may 200 indibidwal, karamihan ay mga negosyante. Itinanggi ng Malacanang na pabuya ang pagsasama ni Mano Digong sa 20 kasapi ng kanyang cabinet. Isinama rin sa biyahe ang mga pinuno ng local governments at land reform. Sabi ni Laurel: “Wala namang land reform dito (sa Japan).”
Nilinaw, gayunman, ni Ambassador Laurel na ang biyahe ng cabinet members ay hindi maituturing na “junket.” Si PDu30 ay nagtungo sa Japan para dumalo sa economic forum na ang organizer ay ang Nikkei, at makipag-usap kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Nabatid na ang Nikkei ang nagbayad sa kanyang biyahe. Hindi naman nabanggit kung ang Nikkei rin ang magbabayad sa lahat ng gastos ng mga kasapi ng gabinete ng Pangulo. Kasama ng Pangulo sa Japan sina Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., Finance Sec. Carlos Dominguez, Agriculture Sec. Manny Pinol, DPWH Sec. Mark Villar, Secretary to the cabinet Karlo Nograles, Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, Transportation Sec. Arthur Tugade, Science Sec. Fortunato dela Pena, Energy Sec. Alfonso Cusi, Information and Communications Technology Sec. Eliseo Rio Jr., Socioeconomic Planning Sec. Ernesto Pernia, Presidential Communications Sec. Martin Andanar, National Security adviser Hermogenes Esperon Jr., presidential spokesman Salvador Panelo at presidential peace adviser Carlito Galvez Jr.
Itinanggi ng Malacanang na pabuya sa mga cabinet member ang pagsama kay PRRD dahil umano sa labis na tuwa sa panalo ng mga kandidato. Ayon kay Executive Sec. Salvador Medialdea, wala sino mang miyembro ng cabinet ang kumampanya noon. “Bawat cabinet member na kasama sa biyahe ay may trade missions. Hindi sila mga dekorasyon sa summit,” badya ni Medialdea.
Kung natatandaan pa ng mga Pinoy, nag-isyu si PRRD ng Executive Order noong Marso na nagbabawal sa sino mang tauhan at opisyal ng gobyerno na magbiyahe sa abroad na gagastusan ng gobyerno. Sinibak niya ang ilang pinuno ng mga ahensiya at departamento na nagtungo sa ibang bansa nang walang katuturan.
Handa ang Japan na magkaloob ng seguridad sa Pilipinas upang mapanatiling bukas ang South China Sea-West Philippine Sea sa malayang paglalakbay ng mga barko at kargamento. Ayon kay Ambassador Laurel, kinikilala ng Japan ang kahalagahan ng geographical location ng Pilipinas sa malayang pagbibiyahe at pagdaraan ng mga kargamentong-pangkalakal sa SCS-WPS. Tinatayang may $5 trilyong halaga ng mga kalakal ang nagdaraan dito taun-taon.
Mainit at naglalagablab ang labanan at ambisyon sa posisyon ng Speakership sa House of Representatives. May mga ulat pang ilang kandidato sa pagka-Speaker ang namimili ng boto mula P500,000 hanggang P1 milyon basta bumoto lang sa kanya.
Ganito pala kahalaga ang maging Speaker ng Kamara ngayon. Sabi nga ng isang netizen, kung laganap ang vote-buying sa nakaraang midterm elections, meron din palang bilihan ng boto sa loob ng Mababang Kapulungan. Tanong: “Ano meron kapag ang isang kongresista ay naupo bilang Speaker?”
-Bert de Guzman