KASABAY ng paggunita sa araw ng Pambansang Watawat, isang liham ang aking tinanggap mula sa isang kamag-anak: “...sana ay samahan ninyo kami sa aming panawagan sa Kongreso upang magpatibay ng batas na magdagdag ng isa pang sinag ng araw sa ating bandila...”
Ang lumiham na kabilang sa Lagmay clan ay ipinadpad ng kapalaran sa Mindanao -- sa Jolo, Sulu -- maraming dekada na ang nakalilipas. Maliwanag na nais ng kanilang kilusan na maging siyam, sa halip na walo lamang, ang dapat na maging sinag ng araw sa ating watawat. Nakaangkla ang kanilang paninindigan sa matuwid na ang Mindanao na pinamamayanan ng ating mga kapatid na Muslim ay marapat ding maging bahagi ng pambansang bandila -- ang simbolo ng pagkamakabayan at kabayanihan ng mga Pilipino noong sumiklab ang Philippine Revolution laban sa Spain; sila ay nakipagsapalaran din laban sa mga dayuhang mananakop tulad ng mga Kastila, Kano at Hapon. Si Lapu-Lapu, halimbawa, ang Filipino Muslim na sinasabing hindi kailanman umatras sa sagupaan sa sinumang kanyang makalaban, ay marapat ding mabanaagan, kahit paano, sa ating bandila.
Bilang tugon sa bahagi ng liham ng aking kamag-anak, nais kong bigyang-diin ang probisyon ng ating 1987 Constitution: “The flag of the Philippines shall be red, white and blue, with a sun and three stars, as consecrated and honored by the people and recognized by law.” Ito rin ang itinatadhana ng lumang Konstitusyon at ng iba pang batas. Isa itong bandila na sintanda na ng panahong iwinawagayway sa lahat ng sulok ng kapuluan -- sa mga paaralan, sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong tanggapan at iba pa. At ito rin ang inilalatag sa ibabaw ng kabaong ng ating mga kawal at iba pang bayani na sinawimpalad sa kanilang buong-tapang na pagtatanggol sa ating kalayaan.
Naniniwala ako na hindi kailanman maaaring maliitin ang dugo at buhay na pinuhunan ng ating mga kapatid na Muslim sa Mindanao at maging sa iba pang panig ng bansa na tulad ng Cordillera Region, kabilang na ang pamayanan ng ating mga kapatid na katutubo sa mga isla at kabundukan -- sa pakikipaglaban sa alinmang grupo na nagtangkang sumakop sa ating bansa. Ang kanilang simbolikong pakikipagsapalaran ay marapat ding mabanaagan sa ating watawat.
Ngunit maliwanag ang isinasaad sa ating mga aklat ng pangkasaysayan na sinulat ng ating mga historian na tulad nina Gregorio Zaide, Teodoro Agoncillo, Eufronio Alip at iba pang manunulat: Ang walong sinag ng araw na nasa ating bandila ay kumakatawan sa walong lalawigan na unang isinailalim sa martial law nang sumiklab ang giyera sa pagitan ng Pilipinas at Espanya noong 1896 -- Maynila, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Laguna, Batangas, Cavite at Morong (na ngayon ay Rizal). Ibig sabihin, ang Mindanao ay hindi naging bahagi ng nabanggit na digmaan.
Ang ganitong anyo ng ating makasaysayang bandila ay mananatili maliban na lamang, marahil, kung sususugan ang ating kasalukuyang Konstitusyon. Samantala, nais kong ipaabot sa aking kamag-anak na ang Mindanao, at ang iba pang lalawigan sa kapuluan, ay hindi naman lubos na ipinuwera sapagkat ito ay kinakatawan ng isa sa tatlong estrelya sa ating bandila; ang dalawang iba pang bituin ay kumakatawan naman sa Luzon at Visayas.
Kaakibat nito,hinihiling ko sa kanya -- at sa sambayanang Pilipino -- ang walang pagkukunwaring paggalang, pagpapahalaga at pagmamahal sa ating bandila sa lahat ng pagkakataon.
-Celo Lagmay