MALIBAN kung manhid ang ilan sa ating mga mambabatas sa pagtugon sa mga problemang pangkalusugan ng sambayanan, wala akong makitang dahilan upang sila ay maging makupad sa ganap na pagpapatibay ng panukalang-batas na magtataas ng buwis sa sigarilyo at alak. Ang malilikom na buwis ay iuukol sa Universal Health Care (UHC) program na mangangailangan ng bilyung-bilyon pondo para sa kanais-nais na serbisyong pangakalusugan para sa ating lahat.
Sa sandaling makalusot sa Kongreso -- Senado at Kamara -- lalong wala akong makitang dahilan upang ang nasabing bill ay maisasabatas kaagad. Mismong si Pangulong Duterte ang miminsang nagpahayag, sa aking pagkakatanda, na ang nasabing urgent measure ay marapat pagtuunan ng kagyat na pansin ng ating mga mambabatas. Ito ay natitiyak kong magdudulot ng tripleng biyaya sa taumbayan, lalo na sa katulad naming madalas dapuan ng iba’t ibang karamdaman. Masyadong magastos ang pagpapaospital; ang mamahaling medisina ay hindi halos matugunan ng sambayanan, lalo na ng mga maralita.
Ang pagtataas ng buwis sa alak at sigarilyo - yaong tinatawag na sin taxes ay bahagi ng mga reporma sa buwis na itinatadhana sa TRAIN LAW (Tax Reform for Accelaration and Inclusion) na naglalayong makalikom ng dagdag na pondo para sa mga programang pangkalusugan, kabilang na ang UHC program. Pandagdag din ito, marahil, sa guguling kakailanganin sa mga infrastructure projects --yaong build, build, build projects na ipinangangalandakan ng administrasyon.
Walang alinlangan na malaki ang benepisyo na maidudulot ng pagtataas ng sin taxes mula sa mga produkto ng alak at tabako. Gayunman, hindi kaya ito mangangahulugan ng pagpatay sa nabanggit na mga industriya? Hinidi rin kaya ito mistulang paglumpo sa ating mga tobacco farmers na nabubuhay lamang sa pagtatanim ng tabako?
Maaring makasarili ang aking paninindigan sa naturang mga isyu. Palibhasa’y hindi natukso sa mga bisyong kakawing ng alak at sigarilyo, naniniwala ako na ang pagsasabatas ng nasabing bill ay magdudulot ng tripleng biyaya sa taumbayan. Tataas ang malilikom na buwis na ilalaan sa makabuluhang programa para sa kapakinabangan ng bansa; mababawasan ang paninigarilyo na nagiging dahilan ng nakamamatay na mga sakit na tulad ng emphysema at kanser, at, higit sa lahat, mabibigyan ng kanais-nais na health services ang mga mamamayan -- sa pamamagitan ng totohanan at walang kaakibat na mga alingasngas ang implementasyon ng UHC program.
-Celo Lagmay