SA kabila ng kanyang pagbanggit sa tungkulin ng media hinggil sa imbestigasyon ng sinasabing sexual abuse crisis sa Roman Catholic Church, sinabi ni Pope Francis: The Church holds you in esteem, also when you put your finger in a wound, even if the wound is in the Church community. Gusto kong maniwala na ang naturang mensahe ay nakaangkla sa walang kinikilingang pagtupad ng mga miyembro ng media sa kanilang misyon; sa kanilang pagpapahalaga sa tunay na diwa ng malayang pamamahayag o press freedom.
Hindi pa natatagalan na si Pope Francis ay naging guest speaker ng Foreign Press Association sa Italy, isang okasyon na itinuturing kong tila pambihirang daluhan ng matataas na lider ng Simbahang Katoliko. Sa kanyang talumpati, hinimok ng Papa ang ating mga kapatid sa propesyon na iwasan ang mga fake news; sa halip, ipagpatuloy ang pag-uulat ng malungkot na kalagayan ng mga tao na hindi na dapat ibalita subalit patuloy na nagdurusa.
Sa kanyang talumpati, labis na ikinalungkot ng ating Papa ang mga kapatid natin sa media na napatay samantalang ginagampanan ang kanilang tungkulin nang buong tapang at dedikasyon sa iba’t ibang bansa sa daigdig. Maaaring ikinalungkot din niya ang mga mamamahayag na ikinulong, nasugatan at tinakot sa pagtupad ng kanilang makabuluhang misyon.
Hindi ko matiyak kung ang ating Papa ay isinalang din sa open forum o malayang pagtatanong pagkatapos ng kanyang talumpati, tulad ng ating malimit masaksihan sa pagtitipon ng ating mga kapatid sa media. Subalit malaman ang kanyang paninindigan na ang media o journalists ay marapat na nasa panig ng mga bitkima, ng mga pinagmamalupitan at marahil ng mga itinatakwil ng lipunan.
Ang katulad na pagpapaunlak ng ating Papa na maging panauhin ng naturang organisasyon ng media sa Italy ay pinananabikan kong masaksihan sa ating bansa. Walang kababayan natin ang hindi naghahangad na ang matataas na lider ng Simbahang Katoliko ay makasalamuha ng ating mga kapatid sa media forum. Sa gayon, malaya nating maitatanong sa kanila ang makatuturang mga isyu na gumigiyagis hindi lamang sa kanilang grupo, kundi sa lahat ng sektor ng sambayanan, kahit na ang mga ito ay itinuturing na mga kontrobersyal, tulad ng ipinahiwatig ng ating Papa.
Kung ang gayong makasaysayang okasyon ay dinaluhan ng ating Papa, hindi kaya ito matutularan ng iginagalang nating mga alagad ng Panginoon?
-Celo Lagmay