KASABAY ng planong pagtalakay ng Senado sa panukala hinggil sa pagpapababa ng criminal responsibiity ng mga kabataan, tumibay ang aking paniwala na kakatigan ng mga mambabatas ang pagsusog sa Juvenile Justice and Welfare Act (JJWA). Sa naturang panukala, babawasan ang criminal responsibility ng mga kabataan -- mula sa 16 anyos upang ibaba sa 10 anyos. Sa age bracket na ito, kapani-paniwala na ang nasabing mga kabataan ay may sapat nang kaalaman sa kanilang mga pananagutan sa araw-araw na pagkilos sa ginagalawan nilang mga komunidad.
Lumilitaw sa ilang estadistika na marami sa ating mga kabataan ang kinakasangkapan ng mga criminal syndicate sa iba’t ibang krimen, tulad ng akyat-bahay, pagbebenta ng mga illegal drugs, carnapping at shoplifting. Kamakailan lamang, may ulat na ang ilang kabataan sa isang panig ng Mindanao ay kinasangkapan ng mga rebelde sa pagsasanay sa paghawak ng mga armas -- isang maliwanag na indikasyon ng armadong pakikibaka laban sa pamahalaan.
Sa ganitong situwasyon, at marami pang iba, marapat lamang na papanagutin ang naturang mga kabataan sa kanilang paglabag sa umiiral na mga batas. Hindi dapat maging dahilan ang kanilang murang edad upang makaligtas sa kanilang mga pagkakasala. Sa kabilang dako, sapat na ang puspusang rehabilitasyon sa mga nagkakasalang kabataan na hindi nasasakop ng planong pagsusog sa JJWA -- 10 anyos pababa na marapat pangalagaan at hindi parusahan.
Tototoo na ang nasabing pag-amiyenda sa JJWA ay hindi lamang binabatikos ng iba’t ibang sektor, kundi hinihiling pang ito ay ibasura kaagad sa matuwid na ito ay isang tandisang paglabag sa karapatang pantao ng mga kabataan. Sa pangunguna ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), nanindigan ang naturang mga grupo na paigtingin na lamang ang implementasyon ng JJWA, sa halip na ito ay susugan, hindi dapat ibaba ang criminal responsibility ng naturang mga kabataan sa matuwid na ang gayon ay mistulang paggawad ng parusa sa walang muwang na mga kabataan.
Kabilang sa mga tumututol, bilang pakikiisa sa panawagan ng Council for the Welfare of Children, ang civil society organization, Professional association, child protection experts, at iba pa.
Naniniwala ako na ang ating mga kabataan -- 10 anyos pababa -- ay marapat lamang pangalagaan at hindi dapat parusahan; sila ay marapat mamuhay nang may dignidad. Subalit naniniwala rin ako na ang mga kabataang mula 10 anyos pataas -- mga kabataang lumalabag sa batas -- ay hindi dapat makaligtas sa kanilang mga pananagutan, lalo na ng mga laging kaagapay ng mga kriminal at iba pang masasamang elemento ng lipunan.
-Celo Lagmay