Nakatakdang idaos ng Commission on Elections ang special elections sa Jones, Isabela, bukas, Mayo 20.
Ito ay nang magkasundo ang mga miyembro ng Comelec en banc sa isinagawang pagpupulong nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, ang special elections ay bunsod nang pagsunog sa dalawang vote counting machines (VCM) sa lugar noong araw ng halalan.
Isasagawa ang special elections sa Barangay Dicamay 1, na may 1,000 botante.
"Special Elections will be conducted on 20 May 2019, in Barangay Dicamay 1, Jones, Isabela, as a consequence of the intentional burning of VCMs in that area, on election day," ayon kay Jimenez.
Matatandaang inagaw ng dalawang armadong lalaki ang dalawang VCM mula sa mga board of election inspectors (BEI), na patungo sana sa munisipyo.
Pinababa sa sasakyan ang mga BEI saka sinunog ang VCMs.
Naaresto ang mga suspek na sina Jayzon Leano at Rodel Pascual, at nahaharap sa kaukulang kaso.