DAPAT lamang asahan ang matatag na determinasyon ni Pangulong Duterte na magtayo ng military camp sa Marawi City, ang siyudad na halos ganap na nawasak dahil sa kahindik-hindik na pag-atake ng teroristang Muslim -- mga bandido na sinasabing kaanib ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Ang planong kampo ng mga sundalo na itatayo sa naturang Island City ay natitiyak kong makapapawi sa pangamba -- hindi lamang ng mga taga-Marawi, kundi ng iba pa nating mga kababayan -- na ang nasabing lungsod ay posibleng muling lusubin ng mga rebelde, tulad ng kanilang malagim na terrorist attack noong Mayo 2017.
Dahil dito, hindi dapat manatiling plano lamang ang pagtatayo ng naturang kampo. Yayamang pinangunahan na ng Pangulo ang groundbreaking ng proyekto noong nakaraang taon, marapay lamang na simulan kaagad ang konstruksiyon nito -- isang kampo na magiging punong-himpilan ng Philippine Army batallion; isabay na rin ito sa rehabilitasyon ng nasabing siyudad na hanggang ngayon ay pinagbabawalan pang matuntungan ng mismong mga residente na ang karamihan ay naninirahan pa sa mga evacuation centers.
Totoo na puspusan ang rehabilitasyon na isinasagawa sa nawasak na lungsod. Sa pamamagitan ng Task Force Bangon Marawi na pinamamahalaan ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Ang pagpapatayo ng nawasak na mga tahanan at iba pang istruktura ay inaasahang matatapos sa taong ito. Nakatutuwang mabatid na ang ilan sa mga biktima ng pananampalasan ng mga bandidong Muslim ay nakababalik na sa kani-kanilang mga tahanan.
Bagamat hindi dapat pangunahan ang HUDCC, hindi naman marahil kalabisang hilingin na kaagad na ring simulan ang konstruksiyon ng mga awasak na kalsada, gusaling pampaaralan, barangay halls, convention center, at iba pang istruktura sa siyudad. Dapat lamang maibalik -- kundi higit pang mapaganda -- ang dating anyo ng Marawi City, sentro ng kultura, komersiyo at kapangyarihan sa panig na iyon ng Mindanao.
Naniniwala ako na marapat lamang bigyan ng prayoridad o pangunahing atensiyon ang konstruksyon ng planong camp. Tulad ng lagi nating ipinahihiwatig, ang pananatili ng ating sandatahang-lakas saan man, ay isang hadlang sa pagsalakay ng mga naghahasik ng panliligalig at mga karahasan, lalo na kung iisipin na ang nasabing siyudad ay itinuturing na gold mine, wika nga, na nakaaakit sa masasamang elemento ng lipunan.
Sa kabuuan, ang pagtatayo ng military camp - O kahit na ano ang sabihin ng sinuman -- ay maituturing na muog ng kapayapaan para sa sambayanang Pilipino.
-Celo Lagmay