KAILANMAN ay hindi ako makapaniwala na ang pagkatalo ng mga kandidato na kabilang sa binansagang political dynasty ay isang hudyat na tuluyan nang magigiba ang grupo ng naturang mga pulitiko. Manapa, lalong umigting ang aking paniwala na patuloy – at madadagdagan pa – ang pamamayagpag ng gayong pangkat ng mga pulitiko sa darating na mga eleksiyon.
Ang paglansag sa kontrobersyal na political dynasty ay halos imposible. Naging bahagi na ito ng ating kulturang pampulitika na halos sintanda na ng panahon. Nasaksihan na natin ito hindi lamang sa Senado kundi sa lahat ng political units sa buong kapuluan. Hindi ba may political dynasty rin sa panguluhan sa ating bansa tulad ng umiral sa United States at sa iba pang estado na ang mga lider ay nagmumula lamang sa isang pamilya?
Wala akong makitang problema sa hindi na mapigilang pamamayagpag ng political dynasty. Kailangan lamang nating tiyakin na ang kanilang pamumuno ay katanggap-tanggap sa ating mga kababayan; panatilihin lamang nila ang matapat at makatuturang pamamahala sa kapakanan ng sambayanan; pamumuno na hindi nababahiran ng walang katulad na pagsasamantala sa tungkulin, pandarambong ng pondo ng bayan at pagkakasangkot sa iba’t ibang anyo ng katiwalian.
Totoo na ang pagbabawal sa political dynasty ay itinatadhana sa ating Konstitusyon na pinagtibay noong 1987 noong Cory Aquino administration. Subalit hindi ito maipatupad sapagkat kailangan pang magpatibay ang Kongreso ng tinatawag na enabling law. Ito ang naging matinding balakid sa implementasyon ng naturang constitutional provisions.
Magugunita na halos lahat ng nakaraang Kongreso ay nagsulong ng nasabing enabling law. Sa kabila ng masidhing pagsisikap ng oposisyon at ng iba pang sektor na tumututol sa political dynasty, walang narating ang naturang panukala. Tuwing ito ay pinauusad sa Kongreso, lagi itong itinuturing na ‘dead-on-arrival’ sa bulwagan ng Senado at Kamara; dahilan, marahil, na ang halos lahat ng mambabatas at iba pang local officials ay sasagasaan ng nasabing batas.
Ang partisipasyon ng ating mga kababayan, lalo na ng mga manghahalal, ang pinaniniwalaan kong epektibong estratehiya sa paglipol ng political dynasty. Sa kanilang kamay nakasalalay ang kapalaran ng nasabing sistemang pampulitiko, tulad ng mistulang kamatayan ng ilan sa gayong grupo nitong katatapos na eleksiyon.
-Celo Lagmay