IN-EXTEND ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) hanggang Hunyo 15, 2019 ang deadline ng submission ng finished films o films in post-production stage na kukumpleto sa final slate ng mga kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).
Sa press conference noong Marso, inihayag ng FDCP ang tatlong projects na nasa advanced stage of development o production stage na kasama sa line-up ng mga pelikula ng PPP3.
Tampok ang Cuddle Weather ni Rod Marmol mula sa Project 8 corner San Joaquin Projects; and LSS (Last Song Syndrome) ni Jade Castro mula sa Globe Studios; at ang The Panti Sisters ni Perci Intalan mula sa The IdeaFirst Company, Inc. Kabilang ang tatlo sa walong PPP films ngayong taon.
Isang co-production fund na aabot hanggang P2 milyon ang ibibigay sa mga mapipiling project. Kasama na rito ang production equipment na nagkakahalaga ng P1 milyon na sponsored ng CMB Film Services.
Tatanggap ang PPP ng entries mula sa Filipino independent production companies at major film studios para sa huling limang slots na kukumpleto sa line-up.
Ang mga mapipiling pelikula ay bibigyan ng co-production fund na aabot ng hanggang P2 milyon. Kasama rito ang publicity at promotion support mula sa sponsors na nagkakahalaga ng P1 milyon, at halos P1 milyon naman ang nakalaan para sa finishing funds o marketing at distribution grant, na inaprubahan ng FDCP.
“Lagi naming sinisiguro na tampok sa PPP ang mga pelikulang nagke-cater sa iba’t ibang taste ng mga audience kada taon. Para sa third year ng PPP, na-inspire talaga kami sa first three films na napili namin. Inaasahan namin sa natitirang limang pelikula na mas magbibigay sila ng excitement at mag-aalok ng dagdag pang variety sa mga pelikulang napili na namin,” sabi ni FDCP Chairperson and CEO Mary Liza Diño.
Ang PPP ay isang week-long event na eksklusibong nagpapalabas ng mga de-kalidad na Filipino genre films sa lahat ng sinehan sa buong bansa. Opisyal nitong ilulunsad ang “Sandaan”, ang pagdiriwang sa Isang Daang Taon ng Pelikulang Pilipino. Alinsunod sa Presidential Proclamation 622 Series na nilagdaan noong Nobyembre, ang FDCP ang itinalagang manguna sa “Sandaan”.
Ang nasabing proklamasyon ay ginawa bilang pagkilala sa Dalagang Bukid ni Jose Nepomuceno, na itinuturing na unang Filipino-produced at directed film na inilabas noong Setyembre 12, 1919.
Ang PPP ay magpapalabas sa lahat ng sinehan sa bansa sa Setyembre 2019. Ang Fire and Ice Productions at CMB Film Services ay proud sponsors ng event.
Ang guidelines at form ay maaaring i-download sa http://fdcp.ph/programs/pista-ng-pelikulang-pilipino.
-ADOR V. SALUTA