HINDI ko ikinagulat ang matagumpay na endorsement o pagsuporta ni Pangulong Duterte sa karamihan sa mga senador na pumasok sa Magic 12. Naniniwala ako na ang naturang mga kandidato – kabilang na ang iba pang sumabak sa local government units (LGUs) – ay ibinoto ng sambayanan batay sa mataas na trust rating ng Pangulo; nakaangkla sa gayong pagtitiwala ang pasiya ng mga manghahalal.
Subalit hindi ito ang buod ng naturang mga argumento; at lalong hindi ito ang barometro ng kamandag, wika nga, ng epektibong pag-endorso ng Pangulo sa kanyang mga kaalyado; kaakibat ng kanyang hanggang langit na pagpuri sa inaakala niyang magiging katuwang ng administrasyon sa paglikha ng isang matatag at malinis na gobyerno.
Hindi sapat na sila ay mailuklok lamang sa tungkulin. Kailangang patunayan ng pinalad na mga senador ang kanilang pagiging tunay na mambabatas sa susunod na Kongreso. Dito natin kikilatisin ang kanilang talino at kakayanan sa pagbalangkas ng mga panukalang-batas na kapaki-pakinabang sa taumbayan; mga batas na produkto ng mga adhikain tungo sa kaunlarang pangkabuhayan, panlipunan at maging pampulitika.
Ngayon pa lamang, natitiyak kong nasasabik na ang sambayanan, lalo na ng mga tumangkilik sa kandidatura ng nanalong mga senador na marinig ang kanilang pakikipagbalitaktakan sa bulwagan ng Senado; sa pagtatanggol ng inihahain nilang mga panukalang-batas; sa pakikipagdebate na may matinong lohika o wastong pangangatuwiran. Maaaring sila ay mangangapa pa sa ganitong sistema ng paglalahad ng paninindigan subalit naniniwala ako na malalampasan nila ang anumang pagsubok sa kanilang mga kakayanan.
Hindi gaanong mabigat ang gayong pagsubok sa mga reeleksiyunistang mambabatas. Ang ilan sa kanila ay nagpamalas na ng mga kakayahan sa pagbalangkas ng mga batas at sa mabungang pagtupad sa tungkulin. Gayunman, isang katotohanan na ang ilan naman sa kanila, mawalang-galang na, ay naging pabigat at dekorasyon lamang sa bulwagan ng Senado at Kamara.
Hindi na natin dapat pang tangkaing paghambingin ang kasalukuyang Senado at ang sinaunang Lehislatura. Halos imposible na nating masaksihan ang kahanga-hangang performance o pagtupad sa tungkulin, halimbawa, ng mga Senador na sina Claro M. Recto, Jovito Salonga, Arturo Tolentino, Jose W. Diokno at marami pang iba.
Gayunman, ang katangian ng naturang yumaong mga senador ay sapat nang batayan ng ating pagkilatis sa mga senador sa kanilang pagtindig sa bulwagan ng Lehislatura
-Celo Lagmay