SA mga nanalo sa 2019 midterm elections, nakikitawa kami sa inyong tagumpay. Sa mga natalo, nakikiiyak kami sa inyong kabiguan. Sa mga nanalo, tuparin sana ninyo ang mga pangakong magiging lingkod ng bayan at hindi magsisilbi sa inyong mga bulsa at deposito sa bangko.
Muling nabuhay si David at muling napatay si Goliath. Ito ay sa larangan ng pulitika sa Pilipinas. Tinalo ng mga David ang mga higanteng Goliath sa Maynila-San Juan hanggang sa Laguna na ang puno ay si dating Pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada. Natalo rin ang Goliath sa pulitika sa Pasig City.
Ang tumalo kay Estrada na David ay kinakatawan ni Isko Moreno, dating basurero sa Tondo. Pinutol ni Isko ang may 50 taong buhay-pulitika ni Pareng Erap. Halos lahat ng Ejercito-Estrada ay talo. Sa Pasig City naman, nilagot ni David na kinakatawan ni Vico Sotto ang 27 taong pamamayani ng mga Eusebio. Natalo si Mayor Bobby Eusebio kay Vico na anak nina Eat Bulaga host Vic Sotto at Coney Reyes.
Sa Makati City, waring natuldukan din ang Binay dynasty sa pagkatalo ni ex-Vice Pres. Jejomar Binay ng isang David na kinakatawan ni Kid Peña. Gayunman, may Binay pa rin sa siyudad matapos mahalal si Abby Binay bilang Mayor at daigin ang kapatid na si ex-Mayor Junjun Binay. Pero ang pinaka-puno (VP Jojo) ay tinalo ng isang ‘di masyadong kilalang kalaban.
May mga political dynasty na nagwagi rin at sumulpot. Bilang halimbawa ay sa Taguig City. Nanalo ang mga Cayetano -- mula sa pagka-Mayor hanggang sa pagka-kongresista. Nanalo ang mag-asawang Allan Peter at Lani sa Unang Distrito at ikalawang Distrito. Magkaiba raw ba ng tirahan sina Allan Peter at Lani gayong sila ay mag-asawa? Ang kapatid ni Allan na si Lino Cayetano ang nanalong mayor.
Hindi maiwasan ang magtanong kung maituturing na isang “emerging political dynasty” ang Sotto family. Si Vicente Sotto III ay isang senador. Si Vico ay Mayor ng Pasig City, at si Gian Sotto na anak ni Sen. Sotto, ay vice mayor ng Quezon City. Isa pang tanong: “Sa nakaraang eleksyon daw ba ay nanaig ang mga ‘Boboptante’ sa pagpili sa mga ‘pulpulitiko’ na posibleng magbunga ng ‘gagobyerno’”? Iyan ang hindi natin alam sa ngayon.
Mananatili kayang malaya o independent ang Senado sa tagumpay ng mga kandidato sa pagka-senador ni Pres. Rodrigo Roa Duterte? Karamihan sa mga kasapi ng Mataas na Kapulungan ay kaalyado ng Pangulo. Mananatili kaya ang “checks and balances” sa Senado, na kaiba sa Kamara, ay hindi isang “rubber stamp” ng Malacañang?
May nangangamba na sa pagkakahalal ng mga kandidato ni Mano Digong sa Senado, baka sila ay maging yuko-ulo at sunud-sunuran sa kagustuhan ng Pangulo. Tuparin kaya ng mga nagwagi ang pangakong pagsisilbihan ang bayan at mamamayan o ang tatargetin ay ang bilyun-bilyong pork barrel upang mabawi ang nagastos sa kampanya?
Hindi kaya nagbibiro lang si presidential spokesman Salvador Panelo nang sabihin niyang umaasa ang Malacañang na ang mga senador, kabilang ang mga alyado ni PDu30, ay mananatiling independent kapag may kinalaman sa pambansang interes?
Hindi kaya nagbibiro si Spox Panelo nang sabihin din niya na “No Senate has been under any President?” Dagdag pa niya: “Ipinakikita ng kasaysayan ng Senado na ang mga miyembro nito ay malaya.” Sana naman ay hindi maging “rubber stamp” ang Senado.
-Bert de Guzman