Makalipas ang 14 na taong pagtatago, nalambat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang AWOL (absent without official leave) na pulis, na sinasabing pumatay sa tiyahin ni Efren "Bata" Reyes, sa Olongapo City, nitong Lunes, Mayo 13.
Kinilala ni NCRPO Regional Director, Maj/Gen. Guillermo Eleazar ang suspek na si dating Patrolman Elias Gamboa y Valentino, 45, huling naitalaga sa Meisic Police Station, Station 11, Manila Police District (MPD) at NCRPO, at residente ng No. 12 Conception East Zaragoza, Nueva Ecija.
Sa ulat, nagkasa ng manhunt operation ang NCRPO-Regional Intelligence Division (RID), kasama ang Regional Drug Enforcement Unit sa koordinasyon ng Police Station 1 Olongapo City Police Office, laban sa suspek na tinaguriang "National Most Wanted Person" at patong sa ulo na P145,000, sa West Bajac, Olongapo City, bandang 11:00 ng umaga.
Inaresto si Gamboa sa bisa ng warrant of arrest, na inisyu ni National Capital Judicial Region, Manila Regional Trial Court Branch 1 Judge Tita Bughao Alisuag, sa kasong murder na may petsang Oktubre 5, 2005.
Nag-ugat ang operasyon nang makatanggap ng impormasyon ang NCRPO mula sa isang confidential informant na papunta ang suspek para bumoto sa nabanggit na lugar.
Sa record, responsable si Gamboa sa pagpaslang sa 60-anyos na si Victoria T. Pangilinan, alyas Nanay, noong Marso 20, 2005.
Sinaksak umano ni Gamboa si Pangilinan ng 19 na beses, na agad nitong ikinasawi.
"As a police officer, the accused should have faced the case. "Kung may kaso siya dapat ay harapin nya yan para mabigyan nya ng tamang depensa, hindi yan ganyan na nagtago pa siya. So ngayon ay nahuli na siya,doon siya sa korte magpaliwanag. In the case of PNP, lahat ng wanted persons as long as nabigyan sila ng warrant of arrest, hahanapin natin yan regardless kung ano ang background ng mga kaso", ani Eleazar.
-Bella Gamotea