SA kabila ng pangkalahatang tagumpay ng katatapos na halalan -- tulad ng ipinangangalandakan ng Commission on Elections (Comelec) at ng Philippine National Police (PNP) -- hindi maililingid ang mga kapalpakang nagpagulo sa naturang mid-term polls. Isipin na lamang na ang ilang vote-counting machines (VCMs) at Voter Registration Verification Machines (VRVMs) ay pumalya, isang pangyayari na maituturing na kalbaryo ng mga botante, lalo na ng katulad naming nakatatandang mamamayan o senior citizens.
Sino sa atin ang hindi magpupuyos sa galit kung hindi tayo makaboboto kaagad sa pagtungo natin sa mga polling precinct? Kinailangan pa tayong maghintay o umuwi muna habang inaayos ang mga problema na likha ng naturang mga makina. Kalaunan, napilitan na lamang isagawa ng Board of Election Inspectors (BEI) ang manual voting na dagdag pahirap sa mga manghahalal; nanganib na ang ating mga kababayan ay mapagkaitan ng karapatan sa pagboto o right of suffrage.
Sa gayong mga eksena, hindi maiiwasang lumutang ang mga haka-haka na nagkaroon ng mga alingasngas sa pagbili ng mga VCMs at VRVMs. Ginastusan ito hindi lamang libu-libo o milyun-milyong piso kundi bilyun-bilyong piso.
At lalong titindi ang pananaw ng taumbayan na ang pagpalya ng nasabing mga makina ay may kaakibat na katiwalian sa halalan. Hindi ba may ganito ring pangyayari noong nakalipas na presidential elections?
Maaring ang gayong mga kapalpakan ay maituturing na manaka-naka lamang o isolated cases, lalo na kung isasaalang-alang na libu-libong VCMs at VRVMs ang ginamit sa lahat ng polling precints sa buong kapuluan. Subalit isang bagay ang tiyak: may kapalpakan sa halalan sa kabila ng ipinagyayabang na kabutihang idudulot ng automated elections.
Ang nasabing mga problema ay marapat ngayong pagtuunan ng atensiyon ng Comelec. Marapat ding magpatibay ng mga panukala ang ating mga mambabatas -- lalo na ng mga mahahalal na Senador at Kongresista -- upang matiyak ang pagdaraos ng matapat, maayos, tahimik na eleksyon na inaasam ng mga mamamayan
-Celo Lagmay