Umabot sa 21,700 campaign materials ang nakolekta sa mga klasada sa Metro Manila, isang araw matapos ang midterm elections, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa post clean-up report ng MMDA-Metro Parkway Clearing Group (MPCG) matapos ang eleksiyon, nasa 23.42 tonelada ng campaign materials ang nahakot o katumbas ng pitong dump trucks.
Gamit ang scraper at sprayer, tulung-tulong na binaklas ng clearing operations team ang mga election materials.
"Target nating alisin ang mga campaign materials sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at ayusin ang mga eskwelahan ngayong linggo para makapaghanda sa pasukan sa susunod naman na buwan," ani MMDA Chairman Danilo Lim.
-Bella Gamotea