NASA 180 bansa sa mundo ang nagkasundu-sundo nitong Biyernes na kokontrolin ang pagluluwas ng mga basurang plastic sa isang bagong kasunduan sa United Nations. May 1,400 kinatawan ang nag-apruba sa kasunduan matapos ang 12 araw ng talakayan sa Geneva, Switzerland. Dahil sa bagong kasunduan, maaari na ngayong tanggihan ng mahihirap na bansa ang pagtatapon ng mga basurang plastic, ayon kay UN Environmental Program Secretary Rolph Payet.
“Far too long, developed countries like the United States and Canada have been exporting their mixed toxic plastic wastes to developing Asian countries, claiming it would be recycled in the receiving country. Much of this contaminated mixed waste cannot be recycled and instead dumped or burned or finds it way into the ocean,” sabi ni Sara Brosche, science advisor ng IPEN. Ang IPEN ay isang pandaigdigang institusyon na nagpupursige para sa isang mundong toxic-free kung saan ang produksiyon, paggamit, at pagtatapon ng kemikal ay hindi nakapeperhuwisyo sa sangkatauhan at sa kalikasan.
Nilagdaan ang bagong kasunduan sa UN sa panahon na ang Pilipinas at Canada ay nasa kalagitnaan ng alitan sa basura, na nagsimula noon pang 2013. Simula sa taong iyon hanggang 2015, may 69 na shipping containers ng mga basura mula sa kabahayan, kabilang ang mga nagmula sa kusina at mga diaper ng sanggol, ay nanggaling sa Canada, at tinukoy bilang mga basurang plastik na maaaring i-recycle.
Noong 2015, tinukoy ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang mga problemang legal sa paraan ng pagresolba sa problema. Gayunman, pagsapit ng 2017, nagbago ng isip ni Prime Minister Trudeau at sinabing “theoretically possible for Canada to do something”. Dahil sa matinding pressure ni Pangulong Duterte, kalaunan ay pumayag na ang gobyerno ng Canada na bawiin ang mga basura sa Mayo 15.
Ang Pilipinas ay dati na ring napagitna sa pandaigdigang suliranin sa basura. Noong 2015, tinaya ng mga siyentista na 275 metriko tonelada ng plastik ang itinambak sa mga karagatan sa mundo, at China ang nangunguna sa pagtatapon ng basura sa karagatan, kasunod ang Indonesia, Pilipinas, Vietnam, at Sri Lanka. Patuloy namang nadadagdagan ang mga balyena at iba pang nilalang sa dagat na natatagpuang patay sa maraming baybayin, at nadidiskubreng ang kanilang mga tiyan ay puno ng plastic.
Ang problema sa mga plastic, karamihan sa mga ito ay hindi biodegradable, o hindi nabubulok. Hindi nabubulok o naglalaho ang mga ito tulad ng kahoy, papel, tela, o leather. Kaya naman nananatili ang mga ito nang hanggang 450 taon, tumatambak sa mga landfill, sama-samang lumulutang sa mga dagat at lawa, at nakakain ng mga balyena at iba pang nilalang sa tubig na naghahanap ng makakain. Partikular na nakaaalarma ang mga plastik na isang gamitan lang, gaya ng mga softdrinks straws at stirrer, bote, bag, packaging ng gamot, at iba pa.
Ang kasunduan sa Geneva na nilagdaan nitong Biyernes ay unang hakbang pa lang, ayon sa matatagal nang nagreresolba sa problema ng basura sa plastic. Saklaw lang nito ang mga plastik na tinukoy sa naunang kasunduan laban sa mga mapanganib na exports, ang Basel Convention of 1989.
Sa hinaharap, ayon sa IPEN, kailangang buuin at pagkasunduan ang isang komprehensibong tratado upang matalakay ang pandaigdigang problema sa plastik, sa lokal man na paggamit o sa pag-e-export ng mga ito.