Kinumpirma ni Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon na mas malala ang vote-buying ngayong midterm elections, kumpara sa halalan noong 2016.

PARANG FIESTA LANG Masinsin sa pagkakadikit-dikit at nagmistulang banderitas ang mga nakasabit na campaign posters sa Tondo, Maynila. (ALI VICOY)

PARANG FIESTA LANG Masinsin sa pagkakadikit-dikit at nagmistulang banderitas ang mga nakasabit na campaign posters sa Tondo, Maynila. (ALI VICOY)

“Mas mukhang malala ngayon kaysa 2016. ‘Di ko lang alam kung ito ay dahil marami lang nahuli, pero sa reports talagang mas marami ngayon,” sinabi ni Guanzon nang kapanayamin sa radyo.

Sinabi ni Guanzon na nakatanggap rin ng ulat ang Comelec na mas mataas din ang presyuhan sa boto ngayong eleksiyon, na mula sa dating P1,000 ay P1,500 na ngayon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nagtataka naman ni Guanzon kung saan nanggagaling ang mga perang ipinambibili ng boto ng mga kandidato, na pawang local candidates.

“Saan ba galing ang mga pera na 'yan? Kung tutuusin, wala namang presidential candidate. Ibig sabihin, lokal 'to,” ani Guanzon.

Dahil dito, nagpahayag ng pagkadismaya si Guanzon sa aniya’y corrupt na isipan ng mga botante ngayon, na walang ibang iniisip kundi ang pagkakitaan ang eleksiyon.

DISKUWALIPIKADO KAHIT NANALO

Ayon sa Comelec, ang mga mapapatunayang sangkot sa vote buying ay maaaring maharap sa parusang mula isa hanggang anim na buwang pagkabilanggo, diskuwalipikasyon sa paghawak sa anumang puwesto sa pamahalaan, at pagbawi sa karapatang makaboto sa mga susunod pang halalan.

“Mga kandidatong mairereklamo ng vote-buying, maaaring ma-disqualify kahit pa nanalo sa eleksiyon,” babala pa ni Guanzon.

Sa isa namang hiwalay na panayam sa radyo, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na may mga pulitiko talagang naglalaan ng budget sa pamimili ng boto, kaya naman nagbabala siya sa mga botante laban sa mga ito.

MULA P20 HANGGANG P10,000

“[Ang mga] pulitikong gumagastos nang malaki sa pamimili ng boto, tiyak din umanong babawiin kapag sila ay naupo na sa puwesto,” ani Malaya.

“May ulat pa na hanggang P10,000 ang bayaran kada pamilya sa isang lugar sa Visayas,” dagdag pa ni Malaya tungkol sa vote-buying.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Comelec Education and Information Director Frances Arabe na batay sa na-monitor nila sa mga lalawigan, nasa P20 hanggang P50 ang pinakamababang bilihan ng boto.

“Reports from anonymous sources reached us that there are candidates allegedly buying votes for P20 to P50. The money is attached on the flyers as they go house to house mostly in the provinces,” sinabi ni Arabe sa BALITA.

MAGSUMBONG SA COMELEC

Dahil dito, hinimok ni Malaya ang publiko na i-report ang anumang insidente ng vote-buying.

“Sa mga magsusumbong ng insidente ng vote buying, mahalagang samahan na rin ng affidavit at mga ebidensiya para mapalakas ang reklamo laban sa isang kandidato.

“Mahigpit ang requirements sa paghahain ng reklamo laban sa mga may pakana ng vote buying dahil mabigat din ang katapat na parusa sa kanila,” dagdag niya.

Ayon kay Malaya, mayroon nang sample form sa Facebook page ng DILG para sa mga nais maghain ng reklamo laban sa mga vote-buyers, at sa iba pang lumalabag sa mga election laws.

“Confidential ang magiging usapan (sumbong),” pagtitiyak ni Malaya. “Ang mga reklamo na ihahain kaugnay ng eleksiyon  ay dapat idiretso sa Comelec at hindi sa DILG [at] sakaling may panganib sa buhay ang nagrereklamo, maaring dumulog sa PNP.”

-Mary Ann Santiago at Merlina Malipot