SA kabila ng pamamayani ng mga kandidato ng administrasyon sa mga survey na isinasagawa ng iba’t ibang survey firms, naniniwala ako na namamayani naman ang pagka-uhaw ng mga mamamayan sa pagboto ng mga pambato ng Oposisyon at sa matitinong lider na nararapat mamuno sa ating pamahalaan. Halos lahat ng mga panlaban ni Pangulong Duterte ay namamayagpag sa naturang survey; kabilang ang mga reeleksiyunista at mga bagong kandidato sa Senado, panlaban sa Kamara, Party-list at maging ang kanyang mga kakampi sa local government units (LGUs).
Bagama’t hindi man lamang napapabilang sa Magic 12 ang mga senatorial bets ng Oposisyon, malakas ang aking kutob na ang ilan sa mga ito, kundi man lahat, ay makalulusot sa oras ng pagpapasiya, wika nga, sa Lunes -- ang 2019 midterm polls. Matindi ang pananabik ng sambayanan na masaksihan ang isang independent Senate na dapat lamang magpairal ng tunay na diwa ng check and balances. Hindi ba lagi na lamang binabansagan ang naturang kapulungan, kabilang na ang Kamara, bilang rubber-stamp Congress? Na ang panukalang-batas, lalo na ang sinertipikahang ‘urgent’ ng Malacañang ay mabilis na nagiging batas kahit na ang mga ito ay lalong nagpapahirap sa taumbayan? Ang ganitong situwasyon ay hindi lamang ngayon nasasaksihan kundi maging noong nakalipas na mga administrasyon.
Sa takbo ng pangangampanya ng mga kandidato ng administrasyon, gusto kong maniwala na wala silang katalu-talo. Isipin na lamang na busog-na-busog sila sa political endorsement ng mismong mga lider ng naghaharing lapian; na laging pinalilitaw na sila ay pinakamagaling sa larangan ng paglilingkod sa bayan. Bihira kong marinig -- o talagang ayaw iparinig -- na sila ay hindi nasangkot sa mga alingasngas, isang bagay na mahirap paniwalaan.
Maging ang mga kandidato sa Party-list ay nanganganib na matalo sa halalan, lalo na ang mga grupo na maituturing na kalabisan sa Kongreso. Hindi maitatanggi na ang karamihan sa 181 kandidato ay hindi naman kumakatawan sa marginalized sector na dapat nilang katawanin sa Kamara. Marami rito ang produkto lamang ng political dynasty na binubuo ng magkakamag-anak at magkakaalyado sa partido na ang misyon ay bahagi na ng mga tungkulin ng regular Congressmen. Duplicatin of functions, wika nga.
Hindi mapawi-pawi sa aking utak ang impresyon na maaring matalo ang mga LGUs na kakampi ng administrasyon. Nais ng sambayanan ang Independent local officials na magiging katuwang ng Oposisyon sa patas na pamamahala. Isa itong hudyat na talagang marami sa ating mga kababayan ang uhaw sa mga oposisyunista at ilang matitinong mamumuno.
Ang paghahari ng ganitong situwasyon ay natitiyak kong lalong magpapatatag sa demokrasya sa ating bansa
-Celo Lagmay