MARAMING dekada na ang nakalilipas nang bawian ng buhay ang aming ina -- si Nanay Doring. Subalit sa pagkakataong ito, sa pagdiriwang ng Mother’s Day sa Linggo, nais kong sariwain ang masasayang eksena, sagradong mga sandali, katakut-takot na pagpapakasakit at walang katumbas na pagdadalamhati sa piling ng aming minamahal na magulang.
Palibhasa’y buong-buhay na nanirahan sa liblib na komunidad -- sa Barangay Batitang, Zaragosa, Nueva Ecija -- labis naming ikinatutuwa ang sama-samang paghahanda sa aming bukirin; mula sa pagbubungkal ng lupang sinasaka, pagtatanim ng palay at hanggang sa pag-aani sa pangunguna ng aming ama at ina. Labis-labis ang kaligayahan ng lahat lalo na kung pinapalad kaming umani nang masagana.
Lalong hindi ko malilimutan ang pangunguna ng aming ina sa sagradong ‘angelus’; hindi niya pinalalampas ang pag-usal ng mga dalangin tuwing magdadapit-hapon. Kung minsan, nakakapiling namin sa naturang okasyon ang mangilan-ngilan naming mga kanayon.
Hindi maililihim na ang aming ina, tulad marahil ng halos lahat ng ina, ay dumanas ng katakut-takot na pagsasakripisyo, lalo na sa pagpapalaki ng kanilang mga supling; sa paghubog ng kasiya-siyang pag-uugali at pakikipagkapuwa-tao. Higit sa lahat, pagpapakumbaba at paggalang sa mga nakatatanda. Nakalulungkot nga lamang at may pagkakataon na ang kanilang pagpapakasakit ay sinusuklian ng pagkatampalasan ng mismong mga mahal nila sa buhay.
Dumating ang pagkakataon na ang aming ina ay dinapuan ng matinding karamdaman, nang ako ay hindi pa natatagalang maglayas upang humanap ng magandang kapalaran sa Maynila. Stow-away in good faith, wika nga, sapagkat nais kong ipagpatuloy ang nauntol kong pag-aaral.
Biglang-bigla ang kanyang kamatayan. Hindi ako nakauwi kaagad dahil sa kawalan. Nailibing ang aming ina nang hindi ko nakita; nag-iisa kong dinanas ang matinding pagdadalamhati. Dinalaw ko ang kanyang libingan na may nakatindig na krus.
Makaraan, ang isang taon, muli kong sinadya ang pinaglibingan ng aking ina, wala na ang krus na kahoy at ito ay pinatungan na ng isang magarbong nitso -- isang hudyat ng paglapastangan sa libingan ng aming ina. Noon ko napatunayan ang malaking agwat ng nakaririwasa at ng mga dukha.
Sa kabila ng gayong nakapanlulumo at kung minsan ay nakagagalit na mga pangyayari, dapat lamang nating pag-ukulan ng walang katapusang pagdakila ang ating mga ina.
-Celo Lagmay