PALIBHASA’Y dumanas ng matinding panlulumo nang kami ay masunugan maraming taon na ang nakalilipas, kaagad kong ikinagalak ang pagtatayo ng housing projects hindi lamang para sa mga fire victims kundi para sa mga mamayan na hanggang ngayon ay wala pang sariling bubong na masisilungan. Kaakibat ito ng pagkakaloob ng kahit kapirasong lote man lamang na mapagtatayuan ng bahay ng ating mga kababayan saMaynila.
Ang pagsusulong ng naturang programa na tinaguriang ‘land for the landless’ -- at natitiyak kong may kakambal ito na ‘home for the homeless’ -- ay napag-alaman kong pangangatawanan ni dating Manila Mayor Alfredo Lim kapag siya ay muling nahalal. Siya ay kandidato sa ilalim ng PDP-Laban ni Pangulong Duterte.
Hindi magiging mahirap para kay Lim ang implementasyon ng nasabing programa; maraming mga bakanteng lote ang siyudad ng Maynila na maaring pagtayuan hindi lamang ng ordinaryong pabahay kundi maging ng high-rise housing projects. Sa gayon, ang mahihirap na Manileño -- lalo na ang mga iskuwater na naninirahan sa mga barung-barong, ay magkakaroon ng sariling lupa at bahay.
Maliwanag ang lohika sa nabanggit na programa. Ang mga Manileño ay hindi ililipat sa malalayong lugar, tulad ng nakagawiang estratehiya ng mga local government units (LGUs). Hindi kailangang ilayo ang ating mga kababayan sa lugar na pinagkakakitaan ng kanilang ikinabubuhay.
Naniniwala ako na hindi magiging mahirap kay Lim ang pagsasakatuparan ng kanyang mga plataporma. Nasubukan na ng sambayanan ang kanyang matatag na determinasyon nang siya ay magpatayo ng mga ospital sa bawat distrito ng siyudad -- mga pagamutan na nagkaloob ng libreng medical services hindi lamang para sa mga Manileño kundi maging sa lahat ng nangangailangan ng gayong serbisyo mula sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Bukod pa rito ang pagpapatayo ng mga paaralan, tulad ng City College of Manila, ngayon ay Unibersidad de Manila.
Hindi marahil kalabisang banggitin na ang nasabing mga pagsisikap ni Lim ay naging batayan ng National Press Club upang siya ay parangalan namin sa pamamagitan ng ‘Tribute to Dirty Harry’. Ang nasabing titulo ng parangal ay ibinatay sa kanyang pagsisikap na panatilihin ang katahimikan sa siyudad sa pamamagitan ng pagsugpo sa kriminalidad, lalo na ang pagpuksa sa illegal drugs.
At lalong hindi kalabisang bigyang-diin na ang katapatan ni Lim sa panunungkulan ay tinaglay niya hindi lamang bilang Alkalde kundi bilang isang dating Senador, DILG Secretary, NBI Director at iba pang makabuluhang puwesto sa gobyerno.
Sa lahat ng ito, itinuturing kong isang natatanging proyekto ang pagkakaloob ng lote sa sambayanan upang pagtayuan ng bubong na kanilang masisilungan.
-Celo Lagmay