SA halip na iukol ang aking atensiyon sa nakatutulig at kung minsan ay walang katuturang mga ‘jingle’ at propaganda, ibinaling ko na lamang ang aking makabuluhang panahon sa inaalagaan kong mga fruit-bearing trees. Labis-labis ang kasiyahang nadadama sa pagmasid at paghimas sa bunga ng aking mga pananim kaysa sa pakikinig sa litanya ng mga pangako ng mga kandidato.
Isipin na lamang na ang isa sa aking namumungang mga punungkahoy – langka o latex-free – jackfruit ay may anim na malalaking bunga. At isipin na ang katawan nito ay malaki lamang nang bahagya sa aking braso! At ito ay namunga nang wala pang apat na taon, isa itong double-root stack o pinadugtong na scion at magulang na sanga ng langka. Hihintayin ko na lamang na mahinog ang naturang mga bunga.
Nakatutuwa ring pagmasdan ang naglawit na bunga ng aking green grapes; ang palikaw-likaw na baging ng mga ito ay may mga bulaklak na natitiyak kong magtutuloy na rin sa pamumunga at pagkahinog. Maging ang isa sa mga puno ng aking rambutan ay namumunga na rin. Dangan nga lamang at ito ay agad pinipitas at halos hindi na nahihintay na mahinog.
Halos walang lubay sa pamumunga ang aking santol, kamyas, bayabas, suha at iba pa. Hinihintay ko na lamang ang pamumunga ng lanzones, duhat, guyabano at iba pa.
At lalong pinanabikan kong mamunga ang dalawang naiibang uri o variety ng mangga – chokonan at nandukmay – na kapamilya rin, wika nga, ng ating tradisyunal na manggang kalabaw. Ang naturang fruit-bearing trees ang kinagigilawan ngayong itanim ng katulad kong mahilig sa paghahalaman. Ang chokonan ay tinatawag na eating green o honey mango, samantalang ang nandukmay ay hindi masyadong maasim kung
manibalang pa lang o matamis naman kung hinog.
Nais kong bigyang-diin na ang pag-aalaga sa nabanggit na mga halaman ay natutuhan ko sa buwanang ‘pulong-pulong’ sa Ninoy Aquino Park and Wildlife sa malapit sa Quezon City Circle – sa Dizon exotic plants. Si Dr. Bernie Dizon – ang nag-iisang pomologist sa bansa – ang nagtuturo ng iba’t ibang teknolohiya ng pagtatanim at pag-aalaga ng mga namumungang punongkahoy. Ang gayong uri ng pananim ay matatagpuan sa mga nursery sa Quezon City at sa Central Luzon State University (CLSU) sa Nueva Ecija.
Bilang bahagi ng kanyang mga advocacy, naniniwala ako na ang naturang mga fruit-bearing trees ang kailangan sa reforestation program ng gobyerno. Bukod sa ito ay makapagpapalago sa mga pananim sa kabundukan, magiging kapaki-pakinabang din ito sa mga mamamayan, lalo na sa mga magsasaka.
Ang mahahalal na mga pulitiko ay dapat lamang maging katuwang sa pagsisikap na ito ni Dr. Dizon.
-Celo Lagmay