INILABAS ng dalawang kumakandito sa pagkaalkalde ng Maynila nitong Lunes ang resulta ng kanilang magkahiwalay na election survey, at kapwa iginigiit ng magkabilang kampo sa kanilang survey na sila ang nangunguna sa kampanya. Malalaman natin pagkatapos ng halalan sa Lunes, Mayo 13 kung alin sa dalawang survey ang tama. Sa ngayon, may kakayahan ang dalawang kandidato na igiit ang kanilang sinasabi, base sa desisyon ng Korte Suprema, na ang anumang uri ng pre-election survey ay protektado ng Konstitusyon sa ilalim ng kalayaan sa pagpapahayag o freedom of expression.
Regular na inilalabas ng mga kandidato ang mga pre-election survey, lalo na sa mga kumakandidato sa pagkasenador. Lima hanggang pitong pangalan ang regular na lumalabas bilang nangunguna sa iba’t ibang listahan na inilabas nitong mga nakaraang buwan, ngunit ang sumunod na lima hanggang pitong pangalan ay patuloy na nagbabago.
Mauunawaan natin ang hirap na hinaharap ng mga tagapag-survey na kumukuha ng sample na 1800 respondents na kanilang kakapanayamin, sa pag-asang ang 1,800 na ito ay naglalarawan sa opinyon ng 60 milyon o higit pang bilang ng mga botante na may pagkakataong bumoto sa araw ng halalan. Marami nang beses sa nakalipas, na ang lumalabas na nagwawagi ay ang inakalang matatalo.
Bukod sa mga suliranin na lumalabas mula sa problemang idinulot ng mga survey, may iba pang salik na maaaring makapagabago sa resulta ng halalan—karahasan sa halalan, vote-buying, biglaang kaganapan, masama man o mabuti. Maaari itong magdulot ng pagbabago o kalituhan kahit pa sa pinakasiyentipikong prediksyon na isinagawa ng mga ekperto sa survey.
Kaya naman, pinakamainam pa rin na gumawa ng sariling desisyon ang mga botante, base sa kanilang sariling pagtataya ng kakayahan at katangian ng mga kandidato, ang track record ng mga napagtagumpayan nito, ang katatagan sa posisyong nais nilang paglingkuran, pag-eendorso ng mga mapagkakatiwalaang samahan, at ang prinsipyo na nais makita ng botante, tulad ang pangangailangan para sa isang malaya at nagsasariling Senado.
Ang resulta ng mga survey ay dapat lamang maging dagdag na impormasyon upang matulungan ang mga botante sa pagdedesisyon. Kapag ang resulta ng survey ay nagkakatalo sa isa’t isa, na iginigiit ng dalawang magkalabang kandidato sa pagka-mayor, pinakamainam na isantabi na lamang ito.