TOTOONG hindi dapat maglubay – manapa’y lalo pang maging masigasig -- ang Department of Agriculture (DA) sa paglalatag ng mga programa sa kapakanan ng mga magbubukid; lalo na ngayon na sila ay ginigiyagis ng pangamba na sila ay mistulang pinababayaan ng administrasyon. Hindi mapuknat sa kanilang kaisipan na sila ay nilumpo, halimbawa, ng pinaiiral na Tariffication Law.
Sa kabila ng gayong nakapanlulumong patakaran, nakatutuwa namang mabatid na ang DA ay tumutugon sa pangunahing pangangailangan ng ating mga magsasaka. Bagama’t kung minsan ay nababahiran ng makasariling estratehiya, ang libreng irigasyon, halimbawa, ay maituturing na hulog ng langit sa mga bukirin. Bukod pa rito ang halos libreng pamamahagi ng iba’t ibang uri o variety ng binhi, mga kagamitan sa pagsasaka, farm loans, at iba pa.
Sa isa pang programa, panahon na upang lalong paigtingin ang paghikayat ng naturang ahensiya sa ating mga kabataan -- lalo na ang angkan ng mga magbubukid -- na ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga kurso sa pagsasaka. Natatandaan ko na matagal nang ibinunsod ito -- sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang educational institution. Maging ang mga local government units (LGUs) ay tumugon sa mga adhikaing ito ng nasabing tanggapan.
Nagkataon na matagal nang naging bahagi ng programang ito, halimbawa, ang aming lalawigan sa pamumuno ni Gob. Czarina ‘Cherry’ D. Umali. Hindi lamang hinikayag kundi sinuportahan pa, ang mga kabataan -- lalo na ang supling ng mga magbubukid -- na mag-aral ng mga agricultural courses. Mismong si Atty. Al Abesamis, provincial administrator, ang katuwang sa pagtataguyod ng naturang proyekto. Natitiyak ko na kaagapay rin sa pagsisikap na ito ang ating mga provincial at municipal agriculturist; idagdag pa ang pagkakaloob ng scholarship sa mga agricultural colleges, tulad ng Central Luzon State University (CLSU) na matatagpuan mismo sa aming lalawigan.
Totoo rin na matindi ang pag-aatubili ng ating mga kabataan na mag-aral ng mga kurso sa pagsasaka. Katunayan, marami sa kanila ay ayaw nang yumapak sa mga bukirin. Higit nilang naiibigan ang mga kursong kailangan sa white-collar job.
Naniniwala ako, gayunman, na marami pa rin ang mga kabataan na nais sumunod sa yapak ng kanilang mga magulang na hanggang ngayon ay ulani’t arawin sa mga bukirin, lalo na sa mga lugar na malaking pag-anihan ng palay.
Sa aming bayan sa Zaragosa, Nueva Ecija -- sa Barangay Batitang na kinakitaan ko ng unang liwanag -- natitiyak ko na ang mga kabataang lahi ng mga magbubukid ay tutugon sa kaway ng bukirin.
-Celo Lagmay