IBINAHAGI ni United States President Donald Trump ang higit isang oras niyang pakikipag-usap kay Russian President Vladimir Putin nitong nakaraang Biyernes, hinggil sa maraming isyu ng mundo, pinakamahalaga ang posibilidad ng bagong Strategic Arms Reduction Treaty (START) na layong higit pang limitahan ang bilang ng mga nukleyar na armas na patuloy na nananatili sa kasalukuyan.
Ang unang kasunduang patungkol dito ay nilagdaan noong 1994 ni President Goerge Bush ng Amerika at General Secretary Mikhail Gorbachev ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR). Taong 1991, nabuwag ang USSR, ngunit ang nukleyar armas ay ipinasa sa Russian Federation. Muling binuhay ang START noong 2001, at muli noong 2011 ni President Barack Obama at Russian President Dmitri Medvedev. Ang kasunduan noong 2011 ay nakatakda nang magtapos sa 2021.
Sa kasagsagan ng Cold War bago ang paglusaw sa USSR, may tinatayang 40,000 nukleyar na armas kasama ng kabuuang 13,000 megatons, ayon sa ulat ng United Nations noong 1980. Noong 1983, muntikan nang sumiklab ang isang nukleyar na digmaan nang iulat ng Soviet warning station ang limang paparating na Intercontinental Ballistic Missiles (ICBMs) ngunit kalaunan ay kinumpirma rin ng Soviet ang pagkakamali (error) sa oras.
Sa kasalukuyan, bukod na 40,000 nukleyar na armas na hawak ng Amerika at Russia, may daang bilang din ang nasa kamay ng Israel, United Kingdom, France, China, India, at Pakistan. Nililimitahan lamang ng kasunduan sa START sa pagitan ng Amerika at Russia ang bilang ng nukleyar na armas sa 1,550 sa kamay ng dalawang bansa, ngunit anumang nukleyar na labanan ay hahantong sa pagkasawi ng bilyong tao, hindi lamang buhat sa inisyal na pagsabog ngunit magmumula sa “nuclear winter” na maaaring tumagal ng dekada.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga bansa sa paligid ng North Korea, kabilang ang Pilipinas, ang nagkakaroon ng matinding pangamba sa mga pagbabanta ni Kim Jong Un ng pambobomba sa Amerika, na maaaring gantihan din ng Amerika, na magreresulta sa digmaan na kikitil sa bilyong tao.
Kaya naman ang ulat ng mahabang pag-uusap nina Trump at Putin hinggil sa ugnayan ng US-Russia, kabilang ang nukleyar na kasunduan, ay isang magandang balita para sa buong mundo. Lalo’t hawak pa rin ng dalawang bansang ito ang 1,550 nukleyar na armas na nakahandang pakawalan sa mga nuclear submarine at land-based silos.
Umaasa rin tayo na muling mabubuhay ang matagal nang naantalang negosasyon nina Trump at Kim para sa isang kasunduan na magbibigay ng wakas sa banta ng nukleyar sa North Korea. Lalo pa ngayon na napaulat ang pagbuhay ni Kim sa pagsubok ng mga short-range ballistic missiles. Bagamat pinaniniwalaan na handa ang North Korean leader na ihinto ang lahat ng pagsubok sa lahat ng uri ng nukleyar na armas sa puntong magbigay ng pahayag si President Trump.