NAKAKINTAL pa sa aking puso at isipan ang aking madamdaming mensahe nang ako ay huling dumalo sa Lagmay clan reunion, dalawang taon na ang nakalilipas: Sana ay magkita-kita tayong muli. Nakalulungkot na sa pagkakataong ito -- sa muling pagdiriwang ng ating pagtitipun-tipon -- nais kong humingi ng paumanhin na hindi ako makadadalo sa naturang makasaysayan, madamdamin at makahulugang okasyon; paminsan-minsan na rin akong dinadalaw ng iba’t ibang karamdaman dahil marahil sa edad na 81 anyos.
Totoong malaking kawalan sa akin ang hindi pakikiisa sa ating reunion, lalo na ngayon na ang aming pamilya -- ang magkapatid na Federico at Teopista Lagmay Tagasa -- ang host o punong-abala sa naturang selebrasyon. Naglambing na lamang ako sa aking mga kapatid, pininsan, mga pamangkin at mga apo na ako ay katawanin nila sa okasyong ito. Kaakibat ang aking tagubilin na ipamalas nila sa mga magkakamag-anak na dadalo sa reunion ang tunay na diwa ng pagkakaisa, pagkakaunawaan at makatuturang relasyong pampamilya.
Sa pamamagitan ng kolumn na ito, nais kong iparating ang aking pananabik na minsan pang makapiling ang ating mga kamag-anak sa iba’t ibang barangay ng ating bayan -- Zaragosa, Nueva Ecija at sa iba pang bayan sa ating lalawigan. Gayon din ang iba pang miyembro ng angkan mula sa Pangasinan, Ilocos provinces at maging ang ating mga kamag-anak sa Jolo, Sulu na minsan na rin nating nakapiling -- si Atty. Arthur Lagmay Saipudin.
Sa ating reunion ngayon, hindi ko maiiwasang hindi gunitain ang ating mga yumaong magulang, lalo na ang aming ama na si Tata Rico at Inang Pistang na matagal nang sumakabilang-buhay. Dalawang taon na rin ang nakalilipas nang pumanaw naman ang itinuturing nating oldest living Lagmay patriarch na si Tata Elpidio Lagmay na yumao na sa edad na 95 anyos. Bukod pa sa ating mga kamag-anak na tinawag na rin, wika nga, ng ating Panginoon. Nakakikilabot gunitain ang malagim na pagpaslang sa aming bunsong kapatid -- si Mayor Rogelio Lagmay Sr. -- at tatlong iba pa noong Enero 2, 1985. Ang iba pang detalye ay bahagi na lamang ng kasaysayan.
Isang angkop na pagkakataon ito na tayo ay umusal ng pabulong na dalangin para sa katahimikan ng kanilang mga kaluluwa. Ituring natin na sila ay kapiling natin ngayon sa ating idinadaos na muling pagtitipun-tipon. At nais ko rin namang bigyang-diin sa ating mga kamag-anak na kahit na ako ay hindi ninyo kapiling ngayon, kayong lahat ay maliwanag na nakalarawan sa aking diwa at isipan.
Sana, ang madamdaming okasyong ito ay maging sagisag ng ating makahulugang muling pagkikita-kita sa darating na mga araw.
-Celo Lagmay