NASA 756 benepisyaryo ng agrarian reform ang ganap na ngayong may-ari ng lupa matapos nilang matanggap na sa wakas ang kanilang Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa isang seremonya na ginanap sa Bulwagang Panlalawigan ng Calapan, Oriental Mindoro, kamakailan.

Ibinahagi ni DAR Public Assistance and Media Relations Director Cleon Lester Chavez sa PNA na kabilang sa mga nakatanggap ng lupa ay mula sa mga magsasaka ng Oriental at Occidental Mindoro.

Binigyang-diin din naman ni DAR Secretary John Castriciones ang kahalagahan ng kasipagan, pagsusumikap, at pagtutulungan gayundin ang pagpapasalamat sa Diyos, sa pamahalaan at sa ahensiya para sa biyayang natanggap.

Hinikayat din ng Kalihim ang mga ARBs na huwag kalimutan ang araw na natanggap nila ang kanilang mga CLOA na nagpapatunay ng kanilang paglaya mula sa hirap ng pangungupahan.

“Ito ang araw na dapat tayo’y maging masaya sapagkat matatanggap ng ating mga farmer-beneficiaries ang kanilang CLOA na kanilang matagal nang hinihintay. Iyan ang magpapatunay na sila ay tunay na mga Pilipino at tunay na nagmamay-ari na ng lupa,” ani Castriciones.

Nangako naman ang ahensiya na magpapatuloy ang pamamahagi ng mas maraming lupa sa mga magsasaka kasabay ng pagkakaloob ng suporta sa mga ito.

Mula sa 623 ektarya ng lupang sakahan, isang bahagi na ikinonsiderang lote para sa pagbabahay ang ibinigay ng ahensiya sa 134 agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Bilang bahagi naman ng programa, pinangunahan nina DAR Provincial Agrarian Reform Program Officers Joselito Nathaniel Diaz at Luisito Jacinto ang paglagda sa isang memorandum of agreement sa pagitan ng DAR at ng mga nakatanggap na mga kooperatiba para sa Convergence on Livelihood Assistance for Agrarian Reform Beneficiaries Project (CLAAP).

Katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), layon ng proyekto na mapalakas ang kita ng mga magsasaka sa

pamamagitan “assistance to develop their agricultural enterprises” tulad ng pangkabuhayan at micro-enterprise projects sa pagtatanim ng mga gulay at prutas, food processing, at pag-aalaga ng mga hayop at iba pa.

Tinatayang nasa P1.3 milyon ang inilaan ng DAR at DSWD para sa proyekto sa ilalim ng CLAAP.

“A portion of the CLAAP fund will also be used to train farmers on basic entrepreneurship to help them appreciate and understand the ropes of running a business,” ani Diaz.

Hangad ng proyekto na matulungan ang nasa 93 benepisyaryo mula sa mga kooperatiba tulad ng Matatag Multi-Purpose Cooperative, New Dagupan ARB-MPC, at ang Bubog Development Cooperative.

“Implementation of the CLAAP will immediately start now that the agreement has been signed,” dagdag pa ni Jacinto.

PNA