HANGGANG ngayon, hindi ko malirip ang lohika sa pagbabawal ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) sa mga provincial buses na dumaan sa kahabaan ng Edsa (Epifaño delos Santos Avenue). Sa halip, nakakintal sa aking utak ang ibayong paghihirap ng mga pasahero na kailangan pang tumigil sa Sta. Rosa bus terminal sa Laguna; lilipat sa mga city bus na pinayagang bumagtas sa naturang lansangan; saka pa lamang sila makararating, marahil, sa kanilang patutunguhan sa Metro Manila.
Naniniwala ako na ang gayong nakagagalit na sistema ang pinagbatayan ng isang grupo ng ating mga kababayan sa pagsasampa nila ng protesta sa Korte Suprema; tila nais nilang ipatigil o tuluyang ibasura ang nasabing estratehiya na sinasabing hindi pinag-ukulan ng masusing pag-aaral. Hindi na natin sasalangin ang mga detalye at merito ng naturang petisyon. Manapa, marapat lamang hilingin sa nasabing grupo na lalong paigtingin ang kanilang pagtutol sa nabanggit na kautusan na umano’y pinagtibay ng MMDA at ng Metro Manila Council.
Ipinangangalandakan ng MMDA na ang naturang pagbabawal sa provincial buses ay makapagpapaluwag sa usad-pagong na trapiko sa Edsa, marahil nga, lalo na nga kung tuluyan nang aalisin ang mga bus terminal sa kahabaan ng lansangan. Subalit papayagan naman ang katakut-takot na city buses na maaari pa yatang magsakay at magbaba ng mga pasahero sa mga bus stops. Kung ganito ang paiiraling sistema, hindi ba lalong magkakabuhul-buhol ang mga bus, kaakibat ng pagsisiksikan ng mga pribadong sasakyan?
Biglang sumagi sa aking utak ang iba pang estratehiya na ipinatupad ng MMDA sa hangarin ding mapaluwag ang daloy ng mga sasakyan sa Edsa. Kabilang dito ang car-pooling – pagsasakay ng magkakakilalang pasahero upang mabawasan ang paggamit ng kani-kanilang mga sasakyan; pagbabawal sa mga kotse na tsuper lang ang sakay – isang sistema na halos imposibleng maipatupad lalo na kung masyadong madilim ang ‘tint’ ng mga kotse.
Totoo na hindi naman lahat ng estratehiyang isinulong at isinusulong ng MMDA ay hindi pinag-isipan, wika nga. Ang paglipol ng mga colorum buses at iba pang sasakyan na bumabagtas sa Edsa at ang paghatak ng mga illegally parked vehicles sa iba’t ibang kalye, lalo na sa tinatawag na Mabuhay lanes ay epektibo sa paglutas ng problema sa trapiko. Kailangan lang ipatupad ito nang tuluy-tuloy at hindi ningas-kugon.
Laging mabibigo ang MMDA sa pagpapaluwag ng trapiko sa Edsa at sa ibang pangunahing lansangan sa Metro Manila kung walang lohika at hindi pinag-iisipang mabuti ang ipatutupad nilang mga estratehiya. Kung hindi ito maisagawa, gusto kong maniwala na sila ay magtatagumpay lamang sa pagpapahirap sa sambayanan, lalo na sa mga pasahero.
-Celo Lagmay