BAGAMAT unveiling ceremony pa lang ang isasagawa sa pagtatayuan ng OFW Hospital, natitiyak ko na ang naturang proyekto ay magiging simbolo ng ating pagpapahalaga sa mga overseas Filipino workers; sa ating pagkilala sa kanila bilang mga buhay na bayani.
Ang naturang unveiling, o paghahawi ng tabing sa hospital site sa San Fernando, Pampanga—sa isang lupain na donasyon ng provincial government—ang maituturing na pinakatampok na programa kaugnay ng pagdiriwang ngayon ng Labor Day.
Tulad ng pagbibigay-diin ni Secretary Silvestre Bello III, ng Department of Labor and Employment (DoLE), ang itatayong ospital ay gagastusan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Magiging katuwang dito ang Department of Health (DoH) at Philippine Amusement and Gaming Corporations (Pagcor). Inaasahan na ang konstruksiyon nito ay isasagawa sa loob ng dalawang taon.
Tulad ng dapat asahan, magiging bahagi rin ng selebrasyon ang Job Fair na isasagawa sa iba’t ibang tanggapan ng DoLE sa buong kapuluan. Lalahukan ito ng 1,108 employers na mag-aalok ng 122,560 iba’t ibang trabaho o job opportunities. Naniniwala ako na ang gayong programa ay makapagpapababa sa unemployment rate na nagiging problema ng Duterte administration; ito ay maituturing na non-wage benefit na makatutulong sa ating mga manggagawa.
Maging ang pagpapatayo ng OFW hospital ay isa ring non-wage benefit. Ibig sabihin, hindi ito makapagpapataas sa suweldo ng naturang mga migrant workers. Subalit ang itatayong pagamutan ay para lamang sa kanila, sa kanilang pamilya at sa kanilang mga kinakandili o dependents. Gusto kong maniwala na ang ospital ay para rin sa ating lahat sapagkat halos lahat sa atin marahil ay may kamag-anak na OFW.
Sa ano’t anuman, ang planong OFW hospital – na matagal na sanang dapat ipinatayo – ay totoong kinainipan hindi lamang ng mismong mga kababayan nating migrant workers kundi ng sambayanang Pilipino.
Isa ito sa mga benepisyo na marapat lamang ipagkaloob sa kanila – sa milyun-milyong OFWs na naging kaagapay ng lahat ng administrasyon sa pagpapaangat ng kabuhayan ng bansa.
Hindi maitatanggi na sila ay gumanap sa makatuturang misyon sa pagsagip sa paglugami ng ating ekonomiya. Ang bilyun-bilyong dolyar na ipinadadala nila sa bansa ay natitiyak kong nakatulong nang malaki sa pagpapayabong ng kabuhayang pambansa.
-Celo Lagmay