WALANG dapat ipagpanibago sa panggagalaiti ni Pangulong Duterte tuwing sumasagi sa kanyang utak ang talamak na katiwalian sa halos lahat ng ahensiya ng gobyerno. Naging busok-bibig na niya: “The country is corrupt to the bone.” Ibig sabihin, sumagad na sa pinakaubod ang bulok na pamamahala sa burukrasya.
Sa isang pahayag, halimbawa, idinaing at idinetalye ng Pangulo: Ang sambayanan ay napipilitang magsuhol upang bumilis ang pagpapalabas ng business permit at iba pang papeles na dumadaan sa hanay ng mga mesa. Hindi ba ang gayong eksena ay malimit masaksihan sa income-generating agencies ng pamahalaan?
Dahil dito, lalong tumindi ang determinasyon ng Pangulo na lipulin ang lahat ng anyo ng katiwalian, tulad ng kanyang pakikidigma sa talamak na illegal drugs at kriminalidad. Subalit ang kanyang adhikaing lumikha ng isang malinis at matatag na komunidad ay sinasagkaan ng iba’t ibang balakid na likha ng kanyang mga kritiko na nag-aalinlangan sa kakayahan ng administrasyon.
Totoo na walang sinasanto ang Pangulo sa pagpuksa ng katiwalian. Ang lahat nasasangkot sa mga alingasngas ay kaagad niyang sinisibak, kahit na ang mga ito ay masyadong malapit sa kanyang puso; kahit na ang mga ito ay gumanap ng makabuluhang misyon sa pagkakaluklok niya sa panguluhan. Ngunit totoo rin naman na ang kanyang mga kaalyado na sinasabing nadawit sa bulok na pamamahala ay hindi dinidismis at inililipat lamang sa ibang puwesto, katunayan ito na naililipat lamang ang kurapsiyon at hindi nalilipol.
Ang ganitong mistulang kabiguan sa pagsugpo ng mga katiwalian at iba’t ibang anyo ng kriminalidad, kung sa bagay, ay hindi dapat ikalungkot ng Pangulo. Kinabiguan din ito, sa aking pagkakatanda, ng halos lahat ng nakalipas na administrasyon. Katunayan, nasaksihan natin ang labis na pagkatalamak ng gayong bulok na pamamahala na naging dahilan ng paglubha ng problema sa kabuhayan o extreme poverty, kamangmangan o illiteracy at iba pang problema na gumigiyagis sa ating bansa.
Hindi ito dahilan upang tumamlay ang Pangulo sa paglutas ng mga problema ng lipunan. Hindi sapat na magbigay lamang siya ng babala, tulad ng sinasabing pag-iiwan niya ng mga dismissal letters nang siya ay dumalo sa isang pagpupulong sa China.
Ang kailangan ay hindi amba, kundi tunay na taga, wika nga, upang masugpo ang tunay na pinakaubod ng mga katiwalian sa ating bansa.
-Celo Lagmay