Nakaranas tayo ng kakaibang malalakas na lindol nitong nakaraang linggo—sa Pampanga at Zambales nitong Lunes, sa Eastern Samar nitong Martes, at sa Davao at Batangas nitong Miyerkules. Ang mga lindol at pagputok ng bulkan ay bahagi ng buhay sa bansang ito, na nasa loob ng Pacific Ring of Fire. Maging ang mga bagyo ay isang ordinaryong bahagi na rin ng ating pamumuhay, lalo’t nakaharap tayo sa daanan ng mga ganitong kalamidad na tumatahak mula Pasipiko patungo ng Asya.
Sa ngayon, kailangan muna nating kayanin ang init ng tag-init at ang epekto nito sa ating dalawang pangunahing pangangailangan—ang tubig at kuryente para sa mga kabahayan, pabrika at mga opisina.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, at Astrnomical Services Administration (PAGASA) nitong Miyerkules na nahaharap ang Metro Manila at 16 na probinsiya sa Luzon at Visayas sa tagtuyot sa pagtatapos ng Mayo. Makakaranas ng dry spell ang Bohol, Cebu at Southern Leyte, mas magaang kondisyon kumpara sa tagtuyot. Kalimitang dumarating na ang ulan tuwing huling bahagi ng Mayo, ngunit hindi sa taong ito dahil sa init na ikinakalat ng El Nino mula sa bahagi ng Pasipiko.
Dahil sa tagtuyot, patuloy na bumaba ang lebel ng tubig sa ating mga dam. Sinabi ng National Water Resources Board (NWRB) na bumaba na sa 181.63 metro nitong Miyerkules mula sa dating 212 metro noong tag-ulan ang tubig sa Angat Dam, na nagsusuplay ng 96 na porsiyento ng Metro Manila at irigasyon ng nasa 27,000 ektaryang sakahan sa Bulacan at Pampanga. Inaasahan lalampas pa ito sa minimum operating level na 180 metro ngayong Linggo, dahilan upang mabawasan ang tubig na ilalabas para sa irigasyon. Mananatili ang suplay ng tubig sa Metro Manila, ngunit nariyan ang alerto.
Dahil din sa init ng panahon, ibinahagi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na lumalampas na ang demand ng suplay sa Luzon grid. Kaya naman magkakaroon ng mga rotational brownout sa ilang bahagi ng Luzon at Metro Manila. Nagdulot din ang lindol kamakailan ng biglaang pagsara ng ilang planta ng kuryente.
Kinakailangan na nating paghandaan ang nagpapatuloy na problema sa init ng panahon, kakulangan sa tubig, at kuryente. Maaari pa itong lumala ngayong taon dahil sa nararanasang El Nino, ngunit palagi nating itong nalalampasan at kakayanin muli natin ito.