NAKATAKDANG magsimula sa Mayo 5 ang ika-13 edisyon ng Filoil Flying V Preseason Cup sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Bubuksan ito ng itinakdang triple bill na kinabibilangan ng salpukan ng reigning NCAA champions San Beda University at University of the Philippines at ng tapatan ng De La Salle University at University of Santo Tomas.
Mauuna rito, ilulunsad ng liga ang kanilang grassroots program sa pagdaraos ng 11-under division na siyang magiging pambungad na laban sa opening day ganap na 11:00 ng umaga kung saan magtutunggali ang De La Salle Zobel at ang Xavier School.
Mayroong 16 na collegiate teams mula sa mga ligang NCAA at UAAP ang kalahok sa summer tournament puwera ang defending Filoil Flying V Preseason Cup at UAAP champions Ateneo de Manila University at University of the East.
Nagpaalam na hindi makakasali ngayong taon ang Blue Eagles dahil muli silang kakampanya sa William Jones Cup habang nakatakda namang mag training sa ibang bansa ang Red Warriors.
May 12 koponan naman na kalahok sa Juniors Divisions at sampu sa 11-Under Division.
Sang-ayon kay Tournament Director Joey Guillermo, muling magkakaroon ng All-Star Game na tatampukan ng mga NCAA at UAAP players.
Muli ring magkakaroon ng Hanes 1-On-1 tournament kung saan ang College of Saint Benilde standout na si Prince Carlos ang nagkampeon sa inaugural edition.
“Every year, there is much anticipation for the Filoil Flying V Preseason Cup becausethis is the tournament where teams can only field their actual line-ups for the upcoming NCAA and UAAP seasons,” ayon kay over-all tournament commissioner Edmundo“Ato” Badolato.
-Marivic Awitan