MULA sa pagiging rated amateur boxer sa pagiging next Pinoy world champion.
Ito ang landas ng boxing career ni amateur multi-titled Charly Suarez sa layuning ipagpatuloy ang mithiin na makapagbigay ng karangalan sa bayan.
“Hindi naman nawawala ‘yun kagustuhan natin na makapag-bigay ng karangalan sa ating bansa. Nasa dugo na talaga ng bawat atletang Pilipino ‘yun,” pahayag ni Suarez sa kanyang pagbisita “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club (NPC) sa Intramuros bilang isang pro fighter.
Sa edad na 30-anyos, target ng Rio Olympics veteran na madugtungan ang listahan ng mga Pinoy world champion sa kanyang pagsabak kontra Waldu Sabu ng Indonesia para sa interim World Boxing Council Asian super featherweight title sa Mayo 10 sa Davao del Norte Provincial Cultural Sports Center sa Tagum City.
Hindi nagbigay ng prediskyon si Suarez hingil sa kanyang laban kontra mas batang Indonesian champion, ngunit kumpiyansa siya higit at tiyak ang suporta ng kanyang mga kababayan sa sinilangang lalawigan.
“Magaling din ‘yun kalaban, lalo na may na-knockout na din siyang dalawang Pilipino. Pero maganda naman ang kundisyon ko ngayon at puspusan ang ensayo under my coach-trainer Delfin Boholst,” pahayag ni Suarez.
“Yun knockout, darating yan. Basta timing. Napag-aralan na din naman namin yung mga weakness niya (Sabu),”aniya.
Nakilala ng sambayanan si Suarez nang magwagi ng gintong medalya sa 2014 Asian Games sa Incheon at sa Southeast Asian Games noong 2009 at 2011.
Ang ipinagmamalaki ng San Isidro, Davao del Norte, ay kasalukuyang nasa pangangasiwa ng Mabuhay Promotions ni Jilson Basang. Sa kanyang pro debut nitong Enero, pinatulog ni Suarez si Ernesto Cagampang sa Cagayan de Oro City.
Sinundan niya ito ng isa pang TKO win kontra Justin Cabarles para makamit ang bakanteng MinProBA lightweight crown nitong Marso 5 sa Davao del Norte.
Isa ring dekalibreng fighter si Boholst bago sinanay ang sarili sa National Strength and Conditioning Association sa Amerika. Aniya, kumpiyasansa siya sa kakayahan ni Suarez at target niyang gabayan ito para sa world lightweight title na kasalukuyang tangan ng pamosong si Vasly Lomachenko ng Ukraine o sa super featherweight title na hawak naman ni Miguel Berchelt ng Mexico.
“Handang-handa na si Charly sa mabibigat na laban. Yun experience niya , as an amateur, nandun na. Mabilis na siya mag-adopt sa laban. Matagal na din siya sa boxing,” pahayag ni Boholst, nagtrabaho rin sa grupo ni reigning IBF super-flyweight champion Jerwin Ancajas.
“Sa tingin ko, kung mga 5-6 fights lang, pwede na isabak sa world championship si Charly,” sambit ni Boholst sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drink ni Mike Atayde.