HINDI siya isang mamamahayag -- at lalong hindi siya kasapi ng National Press Club (NPC) -- subalit siya ay maituturing na higit pa sa isang miyembro ng media lalo na kung pag-uusapan ang pagtugon sa pangangailangan ng mga miyembro ng tinatawag na Fourth Estate. Bilang bahagi ng NPC Secretariat, siya ay mistulang permanent fixture na sa naturang organisasyon ng mediamen sa buong Pilipinas hanggang sa siya ay magretiro, at hanggang sa siya -- si Fely Santos -- ay sumakabilang-buhay noong Abril 21.
Hindi ko matiyak kung kailan siya naging kawani ng NPC subalit noong kasagsagan ng pag-iral ng martial law, nasaksihan na ng print at broadcast journalists ang kanyang aktibong partisipasyon sa pagsusulong ng mga programa at proyekto ng iba’t ibang liderato ng NPC.
Ang kinabibilangan niyang NPC Secretariat ang naging susi sa matagumpay na paglulunsad ng mga aktibidad hinggil sa palakasan o sports, scholarship -- at maging sa mga kilusan tungkol sa pagtatanggol sa press freedom at sa pagbubunsod ng mga journalism seminar. Makatuturang banggitin na naging bahagi siya ng matagumpay na pagtatapos o graduation ng NPC scholars na itinaguyod ng isang food chain -- ang McDonald.
Pangunahin din sa misyon ng naturang Secretariat na kanyang kinabibilangan ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at ng pribadong sektor tungkol sa pagtatanghal ng NPC Gridiron Night -- ang drama skit na bumabatikos sa pamunuan ng gobyerno; mga opisyal na mistulang iginigisa samantalang sinasaksihan nila ang naturang pagtatanghal. Just for fun, wika nga.
Hindi maaaring maliitin ang misyon ng NPC Secretariat sa pag-asikaso sa ating mga dayuhang mamamahayag, tulad ng mga delegasyon ng CAJ (Confederation of South East Asian Journalist), IOJ (International Organization of Journalist) at iba pa. Ito ang pumapatnubay sa ating mga panauhin mula sa kanilang tintitirhang hotel hanggang sa pagtungo sa iba’t ibang panig ng kapuluan -- tulad ng makasaysayang mga lugar at iba pang tourist spots. Nagkataon na ang mga ito ay naganap noong aking panunungkulan bilang NPC President.
Natitiyak ko na ang kanyang mahabang panahong paglilingkod sa NPC ay kinalugdan ng halos lahat ng miyembro ng naturang grupo -- na ang karamihan ay nauna na sa kanya.
Isang mataimtim na pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay at sumalangit nawa ang iyong kaluluwa.
-Celo Lagmay