Patay ang isang guwardiya nang magbaril sa sarili sa loob ng binabantayan niyang bangko sa Malate, Maynila, ngayong Biyernes.
Nadiskubre ang bangkay ni John Kennedy Claudio, 24, ng Sta. Ana, Maynila, sa banyo ng isang bangko sa Taft-Nakpil Street sa Malate, bandang 9:00 ng umaga.
Duguan at may isang tama ng bala sa sentido si Claudio nang madiskubre ni Faith John Subron, nasa hustong gulang, security guard, kaya agad na ini-report sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD).
Sa paunang imbestigasyon ni Chief Master Sgt. Jonathan Bautista, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nagbaril sa sarili ang biktima, gamit ang kanyang service firearm.
Ayon sa ina ng biktima, bago ang insidente ay nagsabi sa kanya si Claudio na nais na nitong sumunod sa tatlong buwang gulang na anak, na namatay sa pneumonia noong Setyembre 2018.
-Mary Ann Santiago